ID

Batas sa national ID gustong baguhin upang masugpo identity fraud

ISINUSULONG ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson ang pag-amyenda sa Philippine Identification System Act (Republic Act 11055) upang higit pang maprotektahan ang pribadong impormasyon ng mga mamamayan at alisin ang mga pekeng pangalan sa national ID registry.

Sa ilalim ng kanyang panukala, hindi na makikita sa harapang bahagi ng PhilID card ang PhilSys Number (PSN), ang natatanging numero para sa bawat rehistradong mamamayan. “This proposed measure seeks to amend the PhilSys Act to eliminate any visible or printed representation of the PSN.Instead, the PSN will be securely encoded along with biometric information within the card’s QR code,” paliwanag ni Lacson.

Iginiit niyang ang kasalukuyang pagkakalantad ng PSN sa card, na nakalista kasama ng personal na impormasyon gaya ng pangalan, kasarian, kaarawan, at larawan, ay nagpapataas ng banta ng identity theft, panlilinlang, at profiling.

Binigyang-linaw rin ni Lacson ang isang insidente noong 2024 kung saan binalaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang publiko hinggil sa mga indibidwal na nag-aalok ng pera kapalit ng larawan ng national ID cards—isang modus na posibleng konektado sa identity fraud.

Dagdag pa niya, mahalaga ring gamitin ang panukala upang linisin ang database ng PhilSys mula sa mga hindi lehitimong rehistrado, lalo na ang mga diumano’y empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) na gumagamit ng pekeng impormasyon.

Bilang orihinal na may-akda ng batas, iginiit ni Lacson na mahalaga ang mga repormang ito upang maibalik ang tiwala ng publiko sa sistema. “By doing this, access to the PSN will be strictly limited to authorized parties, who must follow regulated authentication procedures in compliance with current privacy laws and data protection standards,” diin niya.

Sa huli, ang mungkahing amyenda ay tugon sa patuloy na pag-aalala ng publiko hinggil sa kaligtasan ng kanilang personal na impormasyon, at bahagi ng pagsusumikap ng bansa na iayon ang PhilSys sa pandaigdigang pamantayan ng seguridad at privacy.