Torre1

15 pulis sa misteryo ng mga sabungero nasa mahigpit na kustodiya

Alfred Dalizon Jul 7, 2025
365 Views

INAMIN nitong Lunes ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Nicolas D. Torre III na 15 pulis ang inilagay na niya sa restrictive custody habang iniimbestigahan ang kanilang kaalaman sa mga kaso ng “missing sabungeros.”

Kaugnay nito, tiniyak ng hepe ng Pambansang Pulisya sa publiko na gagamitin nila ang buong lakas ng PNP para matiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga nawawalang sabungero at ang kanilang mga pamilya.

“Sa ating mga kababayan, the PNP will do its best effort to dispense justice. Walang sisinuhin dito. Wala kaming ibang layunin kundi bigyan ng hustisya ang lahat,” ayon sa opisyal.

Sa isang panayam sa mga mamamahayag sa Camp Crame, sinabi ni Torre na pinakamataas sa mga 15 pulis ang isang Lieutenant Colonel. Lahat sila ay nasa restrictive custody sa Camp Crame at hindi pinapayagang lumabas nang walang kaukulang pahintulot sa kanilang mga custodian.

Ang 15 ay galing sa iba’t ibang PNP National Operational Support Units, Police Regional Offices at maging sa isang Area Police Command.

Ayon kay Torrre, maliban sa isa na nakatakda nang magretiro at isa pang nasibak na sa serbisyo, lahat ng natitirang 13 ay pawang mga aktibong pulis pa.

“We have traced several personnel who are already under investigation and that we can confirm. We have also partnered with the National Police Commission to ensure transparency and impartiality and see to it that the ends of justice will be served,” sinabi ng PNP chief.

Ayon kay Torre, hindi rin nila palalagpasin ang sino pa mang pulis na madadawit sa “missing sabungeros” case kasama ang naunang labinlima.

“‘Pag lumawak ang imbestigasyon, baka lumawak pa, dumami pa sila. Naghahanap kami ng matibay na ebidensiya laban sa iba pa at kung may iba pang ranggo na lalabas, so be it. But we will really leave no stones unturned in our ongoing investigation. Ang importante, mabigyan ng hustisya ang mga biktima and second, ma-cleanse ang PNP ng mga tiwaling pulis,” kanyang pahayag.

Ayon sa PNP chief, meron pang mga nadagdag na pangalan bukod sa kinseng pulis na kanilang sinisiyasat.

“Hindi tayo tumitigil sa 15, may iba pang personalities na identified. May information kung nasaan na sila at kung kailangan na i-surveillance sila pending the issuance of warrants of arrest against them, we will do it. Hindi namin sila bibigyan ng puwang na paglaruan ang batas,” sinabi ni Torre.

Ibang mga lugar sinusuri

Ayon kay Torre, bukod sa Taal Lake, kanila ring pinag-aaralan ang mga ulat na meron pang ibang mga lugar kung saan maaaring itinapon ang mga labi ng mga biktima.

“May mga witnesses identifying kung saan na-dispose ang mga katawan. May sinasabing sinunog, may mga information na sinunog ang mga victims, may nagsasabing binaon kaya tinitingnan nating mabuti ‘yan, ‘yung mga ibang lugar,” he said.

Sa kabila nito, ayaw niyang magbigay pa ng ibang detalye dahil maaaring magamit ito ng mga akusado.

“Ine-examine namin lahat, hindi lang sa Taal ang disposal, may mga areas na iba pa pero for sure, may mga taong apektado na gagawa at gagawa ng paraan,” sinabi niya.

Kanya ring inamin na siya pa ang director ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nang sumuko sa kanila ang whistleblower na si Dondon “Julie” Patidongan na nagbigay ng kanyang mahabang salaysay tungkol sa mga “missing sabungeros.”

“CIDG director pa ko no’ng nag-start ito. Nakuha namin si alyas ‘Totoy’ na nagbigay ng napakaraming inpormasyon. Kami kumuha ng statement niya kaya nga kami nakakuha ng voluminous documents para ma-ensure na matibay ang kaso. Kaya nga ‘yung papel na na-submit namin sa Department of Justice (DOJ) napakarami,” sinabi niya.

“I was very shocked no’ng nalaman mga revelations. Alam namin no’n pa kaya nga may resolve kami to solve the case. Talagang karumal-dumal, not acceptable by any standards,” dagdag pa ng PNP chief.

Hindi na nagbigay pa ng ibang detalye si Torre sa napaulat na mga “petty vouchers” na ibinigay sa mga sangkot sabay sa pagsasabing ang lahat ng ito ay kasama sa gagawing preliminary investigation ng DOJ.

“The PNP is one of the information providers lang. Pero I would say na hindi lahat, hindi perfect ang timing. Hindi exact name nag-match pero maraming nag-match. Ang participation ng mga pulis is also the subject of criminal and administrative investigation,” kanyang paliwanag.

Ayon kay Torre, si Patidongan ay kasalukuyang nasa kanilang protective custody ngunit sakaling ma-approve ang kanyang request na mapasailalim sa Witness Protection Program ng pamahalaan, agad nilang ite-turn over ang whistleblower sa DOJ.

Si Patidongan ay isang longtime farm manager at former trusted aide ng milyonaryong negosyante na si Charlie “Atong” Ang na kasama si celebrity-actress Gretchen Barreto ay isinangkot ng whistleblower sa pagkawala ng mga sabungero na kanyang sinabi ay itinapon sa Taal Lake.

Mahigpit na itinanggi ni Ang at Barreto ang mga paratang sa kanila.

Kaugnay nito, sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin C. Remulla na meron na silang mga multiple witnesses na nakahandang magsabi kung saan itinapon ang mga bangkay ng mga nawawalang sabungero.

Sinabi din ng DOJ chief na hiningi na niya ang tulong ng Japanese government para magbigay ng technical assistance sa mga miyembro ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard na sisisid sa Taal Lake para hanapin ang sinasabing mga itinapong bangkay.

Sinabi naman ng ibang mga opisyal na mahihirapan ang mga expert divers, kahit pa gagamit sila ng mga state-of-the-art diving equipment, na mahanap ang mga labi ng mga sabungero sa Taal Lake kung sakaling hindi maituturo ni Patidongan at iba pang mga maaaring maging saksi ang eksaktong lugar kung saan hinulog ang mga katawan ng mga nawawalang biktima.

Ito ay sa dahilang napakalaki ng Taal Lake kung saan ito ay nasasakop ng maraming lugar sa lalawigan ng Batangas, katulad ng mga siyudad ng Tanauan at Lipa at mga munisipalidad ng Talisay, Laurel, Agoncillo, Santa Teresita, San Nicolas, Alitagtag, Cuenca, Balete at Mataas na Kahoy.