Gambling

Rep. Adiong itinutulak online gambling ban

248 Views

SUPORTADO ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, isa sa mga lider ng House Young Guns, ang pagbabawal sa online gambling sa Pilipinas dahil mas mabigat umano ang pinasalang dulot nito sa lipunan kumpara sa anumang benepisyong pang-ekonomiya na makukuha rito.

“Ako, the negative effects outweigh the benefits. Ang akin lang talagang dapat i-ban ito if you ask me personally because if you want to take down the evil tree, the bad tree, you don’t just trim the branches, you uproot it,” ani Adiong.

“So ako, suportado ko kung sino ‘yung nagpu-push ng pag-complete ban nitong gambling na ito,” dagdag pa niya.

Ang kanyang pahayag ay nagpapalakas sa lumalawak na panawagan sa Kongreso na ipagbawal ang lahat ng anyo ng internet-based gambling, kabilang ang mga kinokontrol ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), na dati nang nagpahayag ng kahandaang higpitan ang regulasyon kaysa sumang-ayon sa total ban.

Sa 20th Congress, parehong mga lider ng Senado at Kamara ang nagbabalak ng mga deliberasyon sa komite para sa mga panukalang batas na magpapawalang-bisa sa mga online gambling platform, dahil sa kaugnayan nito sa addiction, kriminalidad, at pagguho ng mga pagpapahalagang pampamilya.

Noong nakaraang taon, ipinagbawal ng pamahalaan ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) dahil sa mga ulat ng krimen na konektado sa ilegal na operasyon, human trafficking, at tax evasion.

Iginiit ng mga mambabatas na nais palawigin ang crackdown na ito sa online gambling na dahil sa pagiging “borderless” nito ay lalong mahirap ipatupad, lalo pa’t madali na itong ma-access gamit ang smartphones at mobile apps—kahit ng mga menor de edad at bulnerableng indibidwal.

“Unang-una, medyo sophisticated na ang manner by which individual can engage into gambling. May mga cellphones na tayo and we cannot even regulate our kabataan, ‘yung mga bata na mag-download ng mga applications na ito,” ayon kay Adiong.

Sinabi niyang ang pagpapatuloy ng online gambling ay sumisira sa pampublikong kalusugang pangkaisipan at inilalagay sa panganib ang buong henerasyon.

Tinukoy rin niya ang patuloy na epekto ng e-sabong at ang mga kaso ng mga nawawalang tao na may kaugnayan sa mga aktibidad na may kinalaman sa sugal bilang babala sa mas malalim na krisis panlipunan.

“So hindi mo lang re-reinforce yung addiction ng isang tao, ‘yung mental health problem niya na malulong sa ganitong klaseng bisyo. You’re also opening up the possibility of our youth becoming addicted to gambling. So you are destroying the society but you’re also pushing the next generation into this area,” paliwanag niya.

Bagamat may ilang sektor na nagmumungkahi ng regulasyon sa halip na total ban, nanindigan si Adiong na hindi sapat ang ganitong hakbang upang mapigil ang masamang epekto ng industriya.

Inihalintulad niya ang mga panukalang ito sa panlabas na solusyon na hindi tinutugunan ang ugat ng problema.

“Ako, I would like, if you want to, sabi ko nga, ang POGO, binan talaga natin ‘yan eh. So i-ban rin natin sa virtual kasi this one is much even, it’s hard really to police individuals with phones, smartphones,” aniya.

“How can you do that, ‘di ba? Ako, sa akin nga, if you want to take down a bad tree, uproot it. Do not just trim the branches,” dagdag pa niya.

Bilang tugon sa pangambang maaaring mawalan ng kita ang gobyerno kung tuluyang ipagbabawal ang online gambling, iginiit ni Adiong na hindi dapat isakripisyo ang moral at sosyal na kapakanan para sa kita.

“Sabi ko nga, the possible benefits that it would get, it does not actually outweigh the negative effects that it cause…” ani Adiong.

Kinumpirma rin niya na pinag-iisipan na niyang maghain ng panukalang batas na maglalayong tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa.

“So ako, if you ask me, in fact, I am contemplating, really seriously contemplating of filing a measure to completely ban the gambling. Meron na nga tayong problema sa mga e-sabong, di ba?

Meron na nga ongoing investigation nga yung sa nawawala. I mean, this is how gambling affects the society,” ani Adiong.

Para kay Adiong, malinaw ang argumento: kapag ang isang suliraning panlipunan ay nakakasira ng pamilya, nagpapahina sa mga pagpapahalaga, at naglalagay sa panganib ng kabataan, hindi maaaring pumikit na lang ang pamahalaan.

“In fact, na ban na nga po natin ang POGO dito. If we ban the POGO in real and physical form, why can’t we do that virtually?. Kasi sa totoo lang, itong gambling na ito nakakasira, hindi lang sa mental health ng ating mga individual but yung moral fiber ng society,” pahayag niya.