ICC

Rep. Ridon: Gobyerno ng Pilipinas, Senado walang magagawa para mapabalik si Duterte mula sa ICC detention

469 Views

WALA umanong awtoridad ang gobyerno ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC) upang atasan ito na ibalik sa Pilipinas si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte, ayon kay Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon.

Binigyang-diin ni Ridon na wala ring legal na bisa ang resolusyong inihain sa Senado na nananawagan sa agarang pagpapauwi sa dating pangulo.

“Well, I think we have to be very frank na there’s nothing that the Philippine government can do today to bring the former president back home,” ani Ridon, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) na nag-aral ng public policy at business sa Harvard University, sa panayam ng mga mamamahayag.

“Kasi ho talagang [ICC] na po ‘yung magpapasya kung makakauwi ba o hindi ang dating pangulo,” dagdag pa niya.

Ang pahayag ni Ridon ay tugon sa resolusyong inihain ni Sen. Robinhood Padilla—na nilagdaan din nina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go—na humihimok para sa agarang pagbabalik sa bansa kay Duterte mula sa The Hague. Lahat ng tatlong senador ay kilalang kaalyado ng dating pangulo sa ilalim ng PDP-Laban party.

Ayon kay Ridon, dahil sa bigat ng mga paratang laban kay Duterte, nasa hurisdiksiyon na ito ng pandaigdigang korte.

“To be very clear, meron hong batayan bakit nasa [ICC] si dating Pangulong Rodrigo Duterte. He is being made to answer for extrajudicial killings under the Duterte drug war. So mabigat po ‘yung paratang na ‘yun,” ani Ridon.

Si Duterte, na 80 taong gulang, ay naaresto noong Marso 11 pagdating niya sa Maynila mula Hong Kong, alinsunod sa warrant of arrest ng ICC kaugnay ng umano’y crimes against humanity dahil sa mga pagpatay na naganap sa ilalim ng kanyang madugong “giyera kontra droga.”

Inilipad siya ng eroplano patungong ICC detention facility sa The Hague sa parehong araw, at humarap sa mga hukom ng ICC sa pamamagitan ng video noong Marso 14. Nakatakdang isagawa ang pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso sa Setyembre 23.

Ayon pa kay Ridon, bagama’t may simbolikong kahulugan, walang kapangyarihang legal ang resolusyon ng Senado sa proseso ng ICC.

“Of course, they are free, obviously, to do a Senate resolution. But we have to be very frank. It is not within the power of the Philippine government to send the former president back home,” giit niya.

Binanggit ni Padilla sa kanyang resolusyon ang umano’y panawagan mula sa Mindanao at ang mga pro-Duterte rallies kamakailan.

Nang tanungin tungkol dito, tugon ni Ridon: “Yeah, but ano na ho ‘yun kumbaga, I don’t think it is for the Philippine government to send him back home at this point.”

Kinasuhan ng crimes against humanity si Duterte sa ICC kaugnay ng pagkamatay ng libu-libong indibidwal sa kanyang war on drugs campaign.