Calendar
Rep. David “Jay-jay” Suarez (Quezon, 2nd District)
Pagkumpiska sa iligal na lupa ng mga dayuhan muling inihain sa Kamara










MULING inihain sa Kamara de Representantes ang isang panukalang batas upang makumpiska ng gobyerno ang lupa na iligal na napunta sa mga dayuhan.
Ang panukala ay nabuo mula sa isinagawang imbestigasyon ng House quad committee noong 19th Congress kung saan nabunyag na nagmamay-ari ng mga lupa ang mga dayuhan kung saan itinayo ang mga Philippine offshore gaming operation (POGO), kung saan maraming iligal na aktibidad na ginagawa.
Ang House Bill (HB) No. 1628 o ang “Civil Forfeiture Act” ay inihain ngayong 20th Congress nina Reps. David “Jay-jay” Suarez (Quezon, 2nd District), Bienvenido Abante Jr. (Manila, 6th District), Romeo Acop (Antipolo, 2nd District), Zia Alonto Adiong (Lanao del Sur, 1st District), Paolo Ortega V (La Union, 1st District), Ernesto Dionisio Jr. (Manila, 1st District), Rodge Gutierrez (1-Rider Party-list), Lordan Suan (Cagayan de Oro City, 1st District), Jay Khonghun (Zambales, 1st District), Gerville “Jinky Bitrics” Luistro (Batangas, 2nd District) at Jonathan Keith Flores (Bukidnon, 2nd District).
Ang panukala ay personal na inihain nina Ortega, Abante, Luistro, Khonghun, Adiong, Dionisio at Suan sa Bills and Index department ng Kamara nitong Miyerkoles.
Ang naturang mga mambabatas ay miyembro ng quad comm noong 19th Congress, na nag-imbestiga sa pagpupuslit, identity fraud at mga krimeng kinasasangkutan ng mga dayuhan na isinasagawa sa bansa.
Nakabatay ang panukala sa mga natuklasan ng quad comm kung saan nakumpirmang may mga dayuhang gumagamit ng pekeng dokumento gaya ng birth certificates at driver’s licenses upang magkunwaring Pilipino at makabili ng lupa, bagay na labag sa Konstitusyon ng Pilipinas.
Sa ilalim ng Article XII, Section 7 at 8 ng Saligang Batas, ang pagmamay-ari ng lupa ay nakalaan lamang sa mga Pilipino at mga entity na 100 porsiyentong pagmamay-ari ng Pilipino, maliban sa ilang limitadong sitwasyon tulad ng hereditary succession at pagbili ng dating natural-born na Pilipino na nawalan ng citizenship.
Isa sa pinakamahalagang probisyon ng panukalang batas ay nakapaloob sa Section 4, kung saan nakasaad ang prima facie presumption na ang anumang real estate property na nabili ng isang dayuhan ay itinuturing na iligal, maliban na lamang kung mapatunayang ito ay ayon sa batas.
Inililipat sa naturang dayuhan ang pagkakaroon ng mabigat na katibayan na patunayan ito, kaya’t mas pinapatibay ang pagpapatupad ng mga probisyong konstitusyonal.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang Tanggapan ng Solicitor General ang may tungkulin na magsampa ng civil forfeiture proceedings sa anumang kasong paglabag sa ownership restrictions. Maaari rin nitong italaga ang kaso sa National Prosecution Service.
Ang sinumang nagbabayad ng buwis ay maaaring magsampa ng reklamo, na kinakailangang suriin ng city o provincial prosecutor sa pamamagitan ng preliminary investigation bago irekumenda kung anong aksyon ang dapat gawin.
Malinaw ring nakasaad sa panukala na ang pagpaparehistro ng lupa sa pangalan ng dayuhan o proxy ay hindi hadlang upang ito’y makumpiska. Nakasaad na ang pagkakaroon ng titulo sa Registry of Deeds ay hindi proteksyon kung ang paraan ng pagkuha nito ay labag sa batas ng pagmamay-ari ng lupa.
Para makahikayat ng makikipagtulungan, bibigyan ng immunity mula sa kriminal na kaso ang sinumang tetestigo o magpapatotoo sa mga iligal na paraan ng pagbili ng lupa ng dayuhan, basta’t ang testimonya ay mahalaga upang mapatunayang may nilabag na batas.
Ayon sa Section 10 ng panukala, ang mga agricultural land na makukumpiska ay ipamamahagi sa mga kwalipikadong magsasaka sa pamamagitan ng Department of Agrarian Reform (DAR).
Samantala, ang mga non-agricultural land ay maaaring gamitin para pagtayuan ng mga paaralan, ospital o serbisyong panlipunan, o ibigay sa lokal na pamahalaan.
Maaaring bigyang awtorisasyon ng Pangulo ang pagbenta nito sa ilalim ng pangangasiwa ng Privatization and Management Office.
Upang mas mapatibay ang pagpapatupad, inaatasan din ang Land Registration Authority at mga lokal na pamahalaan na bantayan ang lahat ng transaksyon sa paglilipat ng lupa at agad i-report ang anumang kahina-hinalang pagbebenta sa Solicitor General.
Ang panukala ay nakaugnay din sa Anti-Dummy Law kung saan inaatasan ang mga lokal na pamahalaan na bantayan kung papaano ginagamit ang mga ari-arian.

