Atty. Oducado

Mental health, pagpapakamatay ng dahil sa online gambling ikinababahala ni Oducado

Mar Rodriguez Jul 10, 2025
284 Views

IKINABABAHALA ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado na hindi lamang kinabukasan ang winawasak ng online gambling kundi pati ang mental health ng mga taong nalululong at na-adik sa paglalaro nito kung saan ang ilang biktima ay humahantong sa pagpapakamatay.

Ito ang mga pangunahing dahilan na nagtulak kay Oducado para isulong nito ang kaniyang House Resolution No. 42 na humihiling sa Kamara de Representantes na magkasa ng imbestigasyon patungkol sa laaganap na online gambling.

Pagbibigay diin ni Oducado na nakakabahala na ang kaso ng addiction sa online gambling sapagkat hindi na lamang ito simpleng pagkalulong. Bagkos, ang mga naa-adik dito ay nauuwi na sa mental health problem habang ang iba naman ay nagpapatiwakal.

Ipinaliwanag pa ng kongresista na mas nakakalamang ang perwisyong ibinubunga ng online gambling kumpara sa pakinabang na nakukuha ng iilang mananaya dahil 1% lamang sa mga manunugal ang umunlad ang sitwasyong pinansiyal nila.

Dagdag pa ng neophyte Party List solon na 9.8% sa mga mananaya ang lalong nalugmok sa kahirapan matapos maubos ang kanilang kabuhayan sa katataya sa online gambling batay narin sa isinagawang 2023 nationwide survey hinggil sa online gambling.

Ayon kay Oducado, ang kaniyang ibinigay na pahayag ang isa sa mga dapat tignan at busisiin ng Komiteng magsasagawa ng masusing imbestigasyon laban sa talamak na online gambling para alamin kung gaano kalaki o kalawak ang masamang epektong idinulot nito.

Ipinagpapalagay naman ni Oducado na ang mga biktimang humantong sa pagkitil ng kanilang sariling buhay ay ang mga mananaya na labis na na-depress matapos maubos ang lahat ng kanilang pera o kabuhayan sa kakataya sa online gambling.