Bigas MAS MURANG BIGAS — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng programang PHP20 kada kilo ng bigas sa Zapote Public Market sa Bacoor, Cavite noong Miyerkules (Hulyo 2, 2025). Ayon sa Malacañang ngayong Huwebes (Hulyo 10), magpapatuloy ang Pangulo sa pagbibigay ng mas maayos na serbisyo para sa ikauunlad ng bansa, anuman ang resulta ng mga survey ukol sa kanyang pagganap at kredibilidad. (Bongbong Marcos Facebook)

PBBM magpupursige sa trabaho kahit ano pa ang approval Rating — Palasyo

260 Views

MAGPAPATULOY si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtatrabaho para sa kaunlaran ng bansa, anuman ang resulta ng mga survey hinggil sa kanyang pagganap at tiwala ng publiko, ayon sa Malacañang ngayong Huwebes.

Ito ay matapos lumabas sa 2025 Pahayag Second Quarter Survey ng Publicus Asia Inc. na isinagawa noong Hunyo 27 hanggang 30 na 25 porsyento ng 1,500 rehistradong botanteng Pilipino ang aprubado ang pamumuno ni Marcos bilang Pangulo.

Sa panayam, tinanggap ni Palace Press Officer Claire Castro ang resulta ng survey bilang “magandang balita,” ngunit binigyang-diin niyang hindi ito ang magiging batayan ng dedikasyon ng Pangulo sa trabaho.

“Katulad po nang sinabi natin, hindi po tayo dapat nagre-rely lamang sa mga survey. Bakit? Dahil ang nais lamang po ng Pangulo ay magtrabaho. Hindi po siya maaapektuhan ng anumang survey,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Palasyo.

“So, maganda po kung tumaas, kung bumaba eh syempre hindi maganda. Pero still, hindi po siya maapektuhan ng anumang numero patungkol sa survey dahil trabaho lang po ang nais ng Pangulo para sa bansa at para sa taumbayan,” dagdag niya.

Ang approval rating ni Marcos ay mas mataas kumpara sa 19 porsyento noong unang quarter ng 2025.

Ang kanyang trust rating ay tumaas din sa 19 porsyento sa second quarter mula sa 14 porsyento noong first quarter. Philippine News Agency