Impeachment

VP Sara hinamong ipakita cost-benefit analysis kung magastos impeach trial

326 Views

HINAMON ni La Union 1st District Representative Paolo Ortega V ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ilahad sa publiko ang isang malinaw na cost-benefit analysis kung sinasabi nitong aabot sa “milyong-milyong piso” ang gagastusin ng gobyerno sa impeachment trial.

“Millions and millions? How many millions kaya? Saan sa makakatipid na banda? ‘Pag nasagot siguro ‘yung mga tanong na gano’n, baka ma-convince ako sa argument niya,” ayon sa pahayag ni Ortega ng Young Guns ng Kamara, sa isang press conference nitong Huwebes.

Una nang sinabi ng bagong tagapagsalita ni Duterte na si Ruth Castelo na masuwerte ang bansa kung haharangin ng Korte Suprema ang impeachment case, na tinawag niyang “may depekto mula sa simula,” dahil aniya makakaiwas ang gobyerno sa paggastos ng malaking halaga.

Ito ay hindi naman sinang-ayunan ni Ortega. “Well, it’s not defective as per my opinion, so I guess she better reconsider her statements po,” aniya. “Pero siyempre, normal naman na sasabihin niya ’yun.”

Binigyang-diin din ng kongresista na dapat isaalang-alang kung ang sinasabing gastos sa impeachment trial ay mas malaki pa kumpara sa isyu ng umano’y maling paggamit ng confidential at intelligence funds na umabot sa P612.5 milyon—halagang kinasasangkutan ng OVP at Department of Education noong pinamumunuan pa ito ni Duterte.

“Baka kailangan nila ng matrix at cost-effective analysis. Siguro naman hindi aabot ng P612 million ’yung gastos sa impeachment,” ani Ortega.

Nang tanungin kung sa tingin niya ay lalampas ba sa halaga ng confidential funds ang gastos sa paglilitis, sagot niya: “Siguro. Tingnan natin ang matrix nila.”

Nahaharap si VP Duterte sa impeachment case na may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds, kabilang ang isyung paggasta ng P125 milyon sa loob lamang ng 11 araw noong Disyembre 2022.

Ang impeachment complaint ay inendorso ng 215 miyembro ng House of Representatives—malayo sa one-third requirement ng Saligang Batas upang maisulong ang kaso sa Senado.

Inaasahang magsisimula ang impeachment trial sa Senado sa darating na Agosto 4.