Calendar
Babala sa abusadong online lenders: Kayo naman dapat singilin
NANAWAGAN si Sen. Sherwin Gatchalian ng mas mahigpit na regulasyon laban sa mapang-abusong nagpapautang.
“Panahon na para kayo naman ang singilin!” ani Gatchalian.
Matagal nang isinusulong ng senador ang pagbuwag sa mga “mapang-abuso, mapanirang-puri, at mapanlinlang na online lending apps.”
Iginiit niyang kailangan ang batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga ganitong gawain.
Batay sa mga ulat, maraming reklamo ang natanggap laban sa mga online lending apps sa Pilipinas—kabilang ang pananakot, paninira sa dangal, at pagkuha ng personal na impormasyon nang walang pahintulot.
Ilan sa mga ito ay gumagamit pa ng contact list ng borrower upang sila’y ipahiya o takutin—mga gawaing labag na sa patakaran ng SEC at National Privacy Commission.
Kaugnay nito, isinusulong ni Gatchalian ang Fair Debt Collection Practices Act, na naglalayong ipagbawal ang mapang-abusong paraan ng paniningil, limitahan ang oras ng komunikasyon sa borrower at magpataw ng multa sa mga lalabag.
Bagama’t may mga lending apps nang isinara dahil sa paglabag, binigyang-diin ni Gatchalian na hindi ito sapat.
Sa kanyang pananaw, mas malakas at malinaw na batas ang kailangan upang tunay na maprotektahan ang mga Pilipinong nangungutang.

