BBM1 “WALANG PILA, WALANG FIXERS, WALANG KORAPSYON” — Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang Bagong Pilipinas eGovPH Super App at eGovPH Serbisyo Hub upang gawing mas simple, mas mabilis at mas madaling ma-access ang mga serbisyo ng gobyerno para sa mamamayan. Matatagpuan ang eGovPH Serbisyo Hub sa Makabagong San Juan National Government Center sa Lungsod ng San Juan. Larawan ni Alfred Frias

eGov PH rebolusyon sa serbisyong pampubliko para sa mga Pilipino

403 Views

TINUTUPAD ang pangakong tugunan ang araw-araw na pangangailangan ng mga Pilipino, ipinakilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Biyernes ang Bagong Pilipinas eGov PH Super App at eGov PH Serbisyo Hub.

Ang paglulunsad ng mga ito ay isang makasaysayang hakbang sa layunin ng pamahalaan na gawing moderno at mas simple ang paghahatid ng serbisyo publiko.

Sa kanyang talumpati sa Makabagong San Juan National Government Center, sinabi ng Pangulo na layunin ng bagong digital platform at pisikal na hub na gawing mas mabilis, mas maginhawa at ligtas sa korapsyon ang mga transaksyon sa gobyerno.

“Walang pila. Walang fixer. Walang korapsyon. Iyan ang makukuha natin dahil sa eGov app at one-stop shop na ating binuksan ngayon (Biyernes),” ani Pangulong Marcos, habang binibigyang-diin ang kanyang hangarin para sa isang gobyernong tumutugon at makatao.

Inilunsad ng administrasyon ang inisyatibang ito upang tugunan ang mga karaniwang problema sa pagkuha ng serbisyo ng pamahalaan—tulad ng mahabang pila, fixer at matinding red tape—sa pamamagitan ng pagsasanib ng mga serbisyo ng iba’t ibang ahensya sa iisang lugar at digital na aplikasyon.

Binigyang-diin ng Pangulo na maraming Pilipino ang nawawalan ng oras at kita habang kumukuha ng mga pangunahing dokumento, ngunit nauuwi lang sa pagkabigo dahil kulang umano sa requirements.

“Pupunta ka sa isang opisina. Pipila ka ng dalawang oras… pagkatapos sasabihan ka pa na kulang ang requirements. Kailangang bumalik. That is impossible for an ordinary citizen,” sabi ni Pangulong Marcos.

“Kaya nga matagal na nating minimithi ang isang tunay na one-stop shop. Ngayon, nandito na ‘yan. At hindi lang ito sa San Juan—isusunod na ito sa buong Pilipinas,” dagdag pa niya.

Ang eGov PH Super App, na binuo ng Department of Information and Communications Technology (DICT), ay pinagsasama-sama ang iba’t ibang serbisyo ng gobyerno sa iisang digital na platform na maaaring ma-access gamit ang smartphone, tablet o desktop.

Maaaring magpasa ng aplikasyon, mag-track ng mga request, i-verify ang pagkakakilanlan, at sa kalaunan ay magbayad online—lahat nang hindi na kailangang lumabas ng bahay.

“Basta’t may koneksyon ka sa internet, hindi mo na kailangang pumunta pa sa poblacion o sa opisina ng ahensiya. Lahat ng ito online mo na magagawa—nasa bahay ka lang,” ani ng Pangulo.

Ibinahagi rin ng Pangulo na mahigit 88 milyong Pilipino na ang may digital na National ID, na naka-integrate na sa eGov app. Isusunod ang pag-roll out ng mga pisikal na ID para sa mga sektor na mas nais pa rin ng printed version.

Para naman sa mga lugar na limitado ang internet access, inanunsyo ng Pangulo na itatayo rin ang eGov PH Serbisyo Hubs sa iba’t ibang local government units, kung saan maaaring makuha ng mga mamamayan ang mahahalagang serbisyo mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa iisang lokasyon.

Hinimok ni Pangulong Marcos ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na tumulong sa pagpapalaganap ng kaalaman at paggamit ng app, at sinabing maging ang mga baguhan ay madaling makaka-navigate nito. PCO