Calendar
Online gambling mas matindi pa sa Covid-19
PARA kay neophyte 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” M. Oducado mas malala pa sa Covid-19 pandemic ang perwisyong hatid ng online gambling.
binigyang diin ni Oducado na mas matindi ang epektong idinudulot ng online gambling dahil maraming kabataan, menor-de-edad at pamilya ang unti-unti nitong winawasak kumpara sa Covid-19 pandemic na gumibal sa bansa noong 2020.
Ipinaliwanag ng baguhang kongresista na kung tutuusin ay mas madaling gamutin ang Covid-19 lalo na at mayroon ng natuklasang lunas para dito kumpara sa “addiction” ng isang indibiduwal sa online gambling.
Ayon kay Oducado, napakahirap hanapan ng solusyon ang isang taong lulong na sa kasusugal tulad ng online gambling sapagkat maging ang kabuhayan nito ay unti-unti na rin nauubos ng dahil sa pagka-adik nito sa nasabing sugal.
Dahil dito, sinasang-ayunan ni Oducado ang pahayag ng kapwa nito kongresista na ang online gambling ay maituturing na bilang isang “silent epidemic” dahil sa maraming mamamayan ang sinisira nito hindi lamang ang kanilang pagkatao dahil sa “addiction” kundi pati narin ang kanilang kabuhayan.
“Mabuti pa ang Covid kaya pang gamutin lalo na ngayon at mayroon ng mga natuklasang lunas upang ito ay gamutin. Pero ang addiction sa online gambling ay napakahirap. Bakit? Kasi pati ang kabuhayan ay inuubos nito at sinasaid ng sugal na ito,” wika ni Oducado.
Kaya ang “Wish Ko Lang” ni Oducado kaugnay sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA ni President Bongbong R. Marcos, Jr. ay ang mabanggit nito sa kaniya talumpati ang paglulunsad ng total crackdown laban sa online gambling.
“Sana mabanggit iyan sa SONA ng ating Pangulo,” sabi pa ni Oducado.

