Calendar
Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez
Romualdez todo-suporta sa utos ni PBBM na magtayo ng disaster hubs; itinulak batas para sa climate resilience ng bansa

NAGPAHAYAG ng buong suporta si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na dagdagan ang disaster response centers sa buong bansa, sa gitna ng sunod-sunod na bagyong tumatama sa Pilipinas.
Binigyang-diin ni Romualdez, ang Speaker ng 19th Congress, ang pangangailangan na magpasa ng mga panukalang batas na magtataguyod sa climate resilience at disaster preparedness ng bansa, kabilang ang paglalaan ng permanenteng pondo at pagtatayo ng mga disaster relief hubs sa iba’t ibang rehiyon.
“We fully support the President’s proactive move to expand the country’s disaster response infrastructure,” ani Romualdez. “But to ensure consistency, efficiency, and sustainability, we must legislate and institutionalize resilience and readiness into our national development strategy.”
Ang atas ni Pangulong Marcos ay kasunod ng isinagawang surprise inspection sa National Resource Operations Center (NROC) sa Pasay City noong Biyernes, kung saan personal niyang pinanood ang automated packing ng mga relief goods bilang paghahanda sa Bagyong Crising (international name: Wipha).
Ang Bagyong Crising, na pinalakas ng habagat, ay nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility matapos magdulot ng matinding pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa.
Bilang mambabatas mula sa Leyte—isang probinsiyang labis na nasalanta ng Super Typhoon Yolanda (Haiyan) noong 2013—ipinaalala ni Romualdez na kabilang ang Pilipinas sa mga bansang pinakamatindi ang tama ng kalamidad na lalo pang lumalala dahil sa climate change.
Giit ng kongresista, mahalagang gawing permanente ang pagtatayo ng mga disaster hubs at isabatas ang mga protokol sa paghahanda upang mas maging ligtas ang bansa.
“Calamities do not follow a schedule. Our response mechanisms shouldn’t depend solely on executive discretion or seasonal budget availability,” ayon pa sa mambabatas.
Pinuri rin ni Romualdez si Pangulong Marcos sa ginawa nitong pagpapaliban ng infrastructure inspection upang unahing asikasuhin ang paghahanda sa bagyo. “It speaks volumes about his administration’s priorities,” dagdag pa ni Romualdez.
Tiniyak naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang kahandaan sa pagtugon sa mga naapektuhan ng bagyong Crising sa pamamagitan ng halos P2.9 bilyon na standby funds, 3 milyong food packs, mahigit 28,000 kahon ng ready-to-eat food, at halos 335,000 non-food items na naka-imbak sa 934 relief hubs sa buong bansa.
“These are impressive figures, but we must ensure that this level of preparedness is not only maintained but improved through legal mandates,” sabi pa ni Romualdez.
Noong 19th Congress, isinulong ni Romualdez ang House Bill No. 13 para sa pagtatatag ng Department of Disaster Resilience, ang pangunahing ahensya na tututok sa paghahanda, pagtugon at pagbangon ng bansa mula sa kalamidad.
“We should not just react—we should be ready,” giit ni Romualdez. “Our laws must match the scale of risk that climate change, earthquakes, and other disasters now pose to our country.”
Binigyang-diin din ni Romualdez ang kahalagahan ng koordinasyon sa pagitan ng national at local government, at hinimok ang mga local government unit na iayon ang kanilang mga plano sa pambansang istratehiya, upang maging maayos at magkakatugma ang kilos sa panahon ng krisis.
“From the barangay to the national government, disaster response must be swift, smart, and seamless,” ayon pa kay Romualdez. “Let us give our frontliners and responders the legal tools and resources they need to protect lives.”

