Khonghun Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun

Khonghun kay VP Sara: PBBM walang kinalaman sa pagkaka-aresto ni FPRRD

247 Views

KINONDENA ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun si Vice President Sara Duterte kaugnay ng pahayag nito na peke ang kabaitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at nakipagsabwatan umano ito sa International Criminal Court (ICC) para arestuhin ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.

Sinabi ni Khonghun na ang pahayag ng Bise Presidente ay walang basehan, hindi totoo at iresponsable.

Ayon kay Khonghun, isa sa mga pinuno ng Young Guns bloc sa Kamara de Representantes, malinaw ang paninindigan ni Pangulong Marcos na huwag makialam sa ICC kaugnay ng kaso ng dating pangulo, na nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng madugong kampanya ng administrasyon nito kontra sa iligal na droga.

Ayon kay Khonghun, hindi lamang katawa-tawa ang teorya ng sabwatan ni VP Duterte kundi isa ring mapanganib na tangkang linlangin ang publiko at mag-udyok ng kaguluhan sa bansa.

“Walang kuntsabahan. Walang pakikialam. At lalong walang script na siya ang nagpahuli sa dating pangulo,” ani Khonghun.

Dagdag pa niya: “President Bongbong Marcos is not hiding behind kindness. He leads with calm, principle and respect for the rule of law. Hindi siya tulad ng mga lider na kailangang sumigaw, manakot at magsinungaling para mapansin.”

Ayon kay Khonghun, ang mga pahayag ng Bise Presidente ay nagpapakita ng malinaw na kakulangan sa pag-unawa, o sinasadyang baluktutin ang prinsipyo ng isang demokratikong konstitusyonal na gobyerno.

“Hindi lahat ng galaw ng gobyerno ay kontrolado ng Pangulo. We are no longer under a regime where one man can order arrests left and right. President Marcos governs with restraint and humility, not with vendetta,” aniya.

Sa isang rally para ipanawagan ang pagpapalaya sa kanyang ama, inakusahan ni VP Duterte si Pangulong Marcos na ibinigay umano ang gusto ng ICC at tumulong upang maaresto ang dating pangulo, at tinawag itong bahagi ng isang “political theater” para tanggalin ang isang matinding kritiko.

Iginiit ni Khonghun na hindi mababago ng mga pahayag ng Ikalawang Pangulo ang mga naganap na pagpatay noong administrasyon ng kanyang ama.

“Tsismis ba ang libo-libong patayan? Tsismis ba ang luha ng mga nanay na naulila? Tsismis ba ang mga ulat ng international and local human rights groups?” tanong ng mambabatas.

“You call this gossip, we call it justice. Kung talagang walang kasalanan, harapin. Hindi ‘yung puro drama at siraan ang ginagawa,” giit ni Khonghun.

Ayon sa kongresista, ang mga pahayag ng Bise Presidente ay nagpapahina sa mga demokratikong institusyon at nakakasira lamang sa kanyang sariling kredibilidad.

“If this is how she plans to run a national campaign, by attacking the truth and weaponizing victimhood, then the Filipino people deserve to know what kind of leadership she truly offers,” sabi ni Khonghun.

Ayon kay Khonghun, malinaw na sa Kamara at sa publiko ang estratehiya: “Guluhin ang isip ng taumbayan para mapagtakpan ang mga kasalanan.”

“Kami sa Young Guns ay hindi mananahimik habang binabastos ang katotohanan. Tahimik ang Pangulo, pero kami hindi. Dapat lang na ituwid ang mga kasinungalingan,” dagdag pa niya.