Abante1 Tinutugunan ni House of Representatives spokesperson, Atty. Princess Abante, ang mga katanungan mula sa mga miyembro ng media hinggil sa iba’t ibang isyu, kabilang na ang mga paghahanda para sa nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa Hulyo 28, sa isang press briefing na ginanap sa House media center nitong Lunes ng hapon. Inihayag din niya na si Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez, Speaker ng Ika-19 na Kongreso, ay nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang mabilis na pagtugon at pagpapatupad ng mga relief operations sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Crising at ng habagat. Kuha ni VER NOVENO

Abante: Kamara 90-95% handa na para sa ika-apat na SONA ni PBBM

301 Views

ILANG araw bago ang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., sinabi ng Kamara de Representantes na 90 hanggang 95 porsyento na itong handa para sa pagtitipon na gaganapin sa Batasang Pambansa.

Ito ang sinabi ni House spokesperson Atty. Princess Abante sa isang pulong balitaan noong Lunes kasunod ng huling interagency coordination meeting nitong Lunes.

“From the discussions I heard earlier, siguro mga nasa 90 to 95 percent na tayo ready, leaving room for some adjustments,” sabi ni Abante sa mga mamamahayag dagdag niya, halos lahat ng preparasyon at naisapinal na.

“Just some matters na lang na kailangan i-check. I think in a while the interagency delegation will have a walkthrough in the House of Representatives. But other than that, we are all set,” dagdag pa ni Abante.

Ayon kay Abante, nasa huling yugto na ng paghahanda ang Kamara, kung saan lahat ng kaukulang ahensya ay maingat na binabantayan ang lagay ng panahon at inaayos ang mga contingency plan.

Sa kabila ng pabugso-bugsong pag-ulan nitong mga nagdaang araw, nilinaw ni Abante na hindi ito naging sagabal sa paghahanda.

“Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ‘yung preparations natin. Hindi naman siya naaantala. Of course, we will keep on monitoring ‘yung developments ng ating panahon sa mga susunod na araw. Pero as of today, tuloy-tuloy at wala namang disruption sa mga preparations,” paliwanag niya.

Sinabi rin ni Abante kinokonsidera ang contingency plans sakaling lumala ang lagay ng panahon, ngunit wala pang napag-uusapan tungkol sa posibleng pagpapaliban ng physical gathering.

Dagdag pa niya, tapos na ang mga security preparations at magiging katulad ito ng sa nakaraang taon, na may kaunting pagbabago kung kinakailangan.

“Of course, there will always be adjustments on various situations or concerns, but just the same, the security group is all prepared for next week’s SONA,” aniya.

Nilinaw din ni Abante na wala silang natatanggap na partikular na banta sa seguridad sa ngayon, ngunit patuloy umano ang ginagawang pagbabantay ng mga awtoridad.

“Sa ngayon, wala naman akong alam specifically na binabantayan. Of course, the Philippine National Police and the Presidential Security Council are always prepared for any security threat. But any specific, well, I have no information,” pahayag niya.

Tungkol naman sa listahan ng mga panauhin, bagama’t wala siyang eksaktong bilang, inaasahan umano na magiging kapareho ito ng bilang noong nakaraang taon.

“Last year, I think that was one of the most attended SONA that we’ve had in recent history. If I remember, more than 1,500 last year ‘yung nag-confirm na um-attend. And we are expecting that the numbers will be similar to that,” ani Abante.

Hinikayat din niya ang publiko na subaybayan ang ika-apat na SONA ng Pangulo.

“We are looking forward for the President’s report to the country. And we are inviting everyone to stay tuned in the different media outlets and social media accounts so that all of us will hear what the President will report as to the developments of our country and what we will be expecting in the next coming months,” pagtatapos niya.