Trump1

Trump, PBBM idiniin tibay ng ugnayan ng PH, US

244 Views

IPINAHAYAG ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos ang matibay na suporta para sa independent foreign policy o malayang patakarang panlabas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., lalo na ang pagsusumikap nitong bumuo ng mga bagong ugnayan sa labas ng mga tradisyonal na alyansa.

Sa isang joint press conference na ginanap sa White House noong Martes, kapwa binigyang-diin ng dalawang lider ang tibay ng ugnayan ng U.S. at Pilipinas, gayundin ang kanilang paggalang sa soberanya ng isa’t isa.

Habang naghahanda ang Pilipinas na pamunuan ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa taong 2026, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangako ng bansa sa pambansang soberanya at internasyonal na kooperasyon.

“Hindi na kailangang timbangin pa ang ating relasyon sa pagitan ng Estados Unidos at China. Ang ating patakarang panlabas ay isa na ngayong malaya at independiyente,” ani Pangulong Marcos.

Binanggit din ng Pangulo na bagama’t ang Estados Unidos ay nananatiling “pinakamalakas na kaalyado” ng Pilipinas, mahalaga ring bumuo ng multilateral relations sa iba pang mga bansa na nirerespeto ang batas internasyonal at demokratikong mga pagpapahalaga, partikular ang pagsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Bilang tugon, malugod na tinanggap ni Pangulong Trump ang posisyon ng Pilipinas pagdating sa patakarang panlabas at sinabing sinusuportahan ng Estados Unidos ang kalayaang kumilos ni Pangulong Marcos para sa kapakanan ng Pilipinas.

“Wala akong problema kung makikipagkaibigan siya sa China, dahil kami rin ay maayos ang ugnayan sa kanila ngayon,” ani Trump.

“Sa tingin ko, kailangan niyang gawin kung ano ang tama para sa kanyang bansa. Palagi kong sinasabi: ‘Make the Philippines great again.’ Gawin mo ang lahat ng kailangang gawin,” dagdag pa niya.

Ipinahayag din ni Trump ang kanyang matinding paghanga at paggalang kay Pangulong Marcos, na aniya’y may matatag na pamumuno at nagmula sa isang pamilyang may makasaysayang pamana.

“Isang malaking karangalan ang makasama si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng Pilipinas. Magandang pamilya, may dakilang pamana, at lubos na iginagalang sa kanyang bansa,” pahayag ni Trump.

Inimbitahan ni Pangulong Trump si Marcos para sa isang tatlong-araw na opisyal na pagbisita mula Hulyo 20 hanggang 22, at bilang pagpapakita ng mataas na paggalang, pinatuloy si Pangulong Marcos sa Blair House, ang opisyal na Guest House ng Pangulo ng Estados Unidos para sa piling mga pinuno ng estado at dignitaryo.