Calendar
Senado hati sa impeachment trial vs VP Sara: Itutuloy ba o ibabasura?
UMANI ng iba’t ibang reaksyon sa Senado ang desisyon ng mga mahistrado ng Korte Suprema matapos ito magdeklara na labag sa Konstitusyon ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Batay sa naging desisyon nito, nilabag ng reklamo ang probisyon sa Article XI, Seksyon 3(5) ng 1987 Konstitusyon—na kilala bilang “one-year bar rule”—pati na rin ang mga itinatadhana ng due process sa ilalim ng Bill of Rights.
Bunga nito, pansamantalang natigil ang paghahanda ng Senado para sa impeachment trial. Samantala, sari-saring reaksyon ang ibinulalas ng mga senador, na nagpapakita ng magkakaibang pananaw hinggil sa saklaw ng kapangyarihan ng Korte at sa tungkuling konstitusyonal ng Senado.
Ipinahayag ni Senador Paolo Benigno Bam Aquino ang panawagan para sa isang caucus upang talakayin ang implikasyon ng desisyon, at binigyang-diin na kailangang pangalagaan ang kapangyarihan ng Senado bilang isang co-equal branch ng pamahalaan.
Aniya sa panayam ng Radyo Patrol: “Ang Senado ay may sariling kapangyarihan bilang isang co-equal branch. Hindi ito dapat basta-basta patigilin.”
Ipinunto naman ni Senador Risa Hontiveros ang kanyang pagdududa sa interpretasyon ng “one-year bar rule.”
Aniya, “Isa sa ipinagtataka natin ay kung paano na-violate ang ‘one year bar rule’ ngayong iisa lang naman ang kaso na iniakyat sa Senado.” Dagdag pa niya, “I can only hope that this new ruling will not adversely affect future efforts to hold our highest public officers accountable.”
Iminungkahi ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang paggamit ng legal na remedyo batay sa Doctrine of Operative Facts, ayon na rin sa doktrina ni dating Korte Suprema Justice Adolf Azcuna. Aniya, “At this late stage… we in the Senate are duty bound to proceed with trial as mandated by the Constitution.”
Ipinanukala rin niyang maaaring magsumite ang Kamara ng Motion for Reconsideration upang muling pag-aralan ng Korte ang desisyon.
“In doing so… the powers of the Court, the House, and the Senate are harmonized and given legal effect.”
Tinukoy din niya ang kasong Civil Liberties Union v. Executive Secretary na nagsasaad na walang probisyon ng Konstitusyon ang dapat magpawalang-bisa sa isa pa, kung maaaring ipatupad ang lahat.
Sa kabilang banda, kinilala ni Senador Erwin Tulfo ang kapangyarihan ng Korte Suprema. Aniya, “Ako ay handang makinig sa malinaw na ebidensya at sa tunay na tinig ng taumbayan.”
Dagdag pa niya, “I am sure na pag-uusapan namin ito sa Lunes sa Senado kung susundin ba o balewalain ang desisyong ito ng SC.”
Sa isang payahag, iginiit ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada: “We must abide by the decision of the Supreme Court… even in a political process like impeachment proceedings.”
Nagbabala naman si Senador Juan Miguel Zubiri tungkol sa posibleng krisis konstitusyonal kung hindi susundin ang desisyon. Ayon sa kanya, “We may be courting a contempt order from the Supreme Court and a possible constitutional crisis… Respect and honor the Supreme Court of the Republic. PERIOD.”
Sa panig naman ni Senador Vicente Sotto III, sinabi niyang nakatanggap siya ng legal na payo na nagsasabing posibleng kumilos pa rin ang Senado nang hiwalay sa desisyon ng Korte habang isinasailalim pa ito sa pagsusuri.
Binigyang-linaw ni Senadora Imee Marcos ang panawagan sa kanyang mga kapwa senador: “Galangin at respetuhin ang desisyon ng Korte Suprema. Sa mga kasamahan kong senador — trabaho na po tayo. Atupagin na natin ang kapakanan ng mamamayan. Awat muna sa pulitika.”
Samantala, sa isang post sa social media, ipinahayag ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa: “When I moved for the dismissal of the impeachment complaint vs VP Sara, I was guided by the Holy Spirit… The Holy Spirit defeated the forces of evil! Hallelujah!”
Bilang karagdagang pahayag, sinabi ni dating Senador Panfilo “Ping” Lacson: “The Senate must respect and comply with the Supreme Court ruling, notwithstanding the contrary opinions of several legal observers…”

