Tingog Ipinamahagi ni TINGOG Party-list Representative Jude Acidre ang 450 sako ng bigas sa mga pamilyang naapektuhan ng kamakailang pagbaha sa Payatas, Lungsod Quezon. Isinagawa ang pamamahagi noong Hulyo 26 sa San Antonio de Padua Chapel sa pakikipag-ugnayan kay Barangay Chairperson Rascal Doctor at Fr. Bong Sarabia. Mga larawan mula sa TINGOG Party-list

Mga nasalanta ng baha binigyan ng ayuda ng Tingog

429 Views

NAMAHAGI ang Tingog Party-list ng 450 sako ng bigas sa mga pamilyang biktima ng baha sa Payatas, Quezon City noong Sabado.

Pinangunahan ni TINGOG Rep. Jude Acidre ang pamamahagi ng bigas sa pakikipagtulungan ni Barangay Chairperson Rascal Doctor at Fr. Bong Sarabia. Ginanap ito sa San Antonio de Padua Chapel sa Barangay Payatas.

Karamihan sa mga nakatanggap ng ayuda ay mga pamilyang Waray at Bisaya mula sa Asper at Sandakot—mga mabababang lugar na labis na binaha dahil sa sunod-sunod na pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ng sunod-sunod na mga bagyo.

Marami sa mga natulungan ay nagsisimba sa kapilya na nagsilbing evacuation center sa kasagsagan ng baha.

Sa ilang bahagi ng komunidad ay umabot sa leeg ang tubig-baha, kaya’t dahil sa kakulangan ng mga ligtas na masisilungan, napilitang lumikas ang mga residente sa kapilya at maging sa isang kalapit na punerarya

“Sa mga panahong tulad nito, ang pinakamahalaga ay ang pagtutulungan,” ani Acidre sa mga nagsisimba habang namimigay ng bigas.

“Marami sa inyo ay kapwa naming Waray at Bisaya—mga taong umalis man sa rehiyon ay hindi nawala ang malasakit sa kapwa. Ang simpleng pamamahagi ng bigas na ito ay paraan namin ng pagsasabi sa inyo: hindi kayo nag-iisa, at hindi kayo nakakalimutan. At sana, ipagpatuloy ninyo ang pagdarasal para sa amin sa pamahalaan—na kami ay manatiling ginagabayan ng pananampalataya, integridad, at malasakit sa paglilingkod,” dagdag pa nito.

Umabot sa 21,000 katao ang natulungan ng TINGOG sa isinagawa nitong relief operations sa mga binahang lugar sa Metro Manila, Rizal, at mga kalapit na probinsya.