Calendar
Senador nagkaisa sa sigaw para sa pananagutan, reporma
NAGPAHAYAG ng matibay na suporta sina Senador Alan Peter Cayetano, Sherwin Gatchalian, at Erwin Tulfo sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isailalim sa masusing pagsusuri ang lahat ng proyektong flood control ng pamahalaan mula noong 2022. Naniniwala ang mga senador na ito ay mahalagang hakbang upang matugunan ang matagal nang problema sa pagbaha at masigurong wasto ang paggasta ng pondo para sa imprastruktura.
Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA), inatasan ng Pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsumite ng kumpletong listahan ng lahat ng flood control projects sa nakalipas na tatlong taon. Susuriin ng Regional Project Monitoring Committee kung alin sa mga ito ang naisakatuparan, nabigo, o hindi naipatupad, at inaasahang ilalathala sa publiko ang resulta ng audit.
Ayon kay Cayetano, ang hakbang na ito ay nagpapakita ng mas bukas na pamamahala mula sa Pangulo. Ipinunto niyang ang hayagang pag-amin ng pamahalaan sa mga kakulangan ay maaaring magsilbing simula ng mas makabuluhang tugon sa mga problema. “Ang hilig kasi natin ay ‘case closed’ pero hindi ‘case solved,’” aniya, kasabay ng paalala na mahalaga ang pagpapatuloy ng aksyon pagkatapos ng audit.
Samantala, kinatigan ni Senador Gatchalian ang direktiba ng Pangulo at binigyang-diin ang pangangailangang managot ang mga mapatutunayang sangkot sa katiwalian. “Malinawang ang sinabi ng Pangulo na hindi niya palalampasin ang mga tiwali. Dapat lang na kasuhan at ipakulong ang mga sangkot sa katiwalian, lalo na sa imprastruktura,” aniya.
Binigyang-linaw rin niya ang kahalagahan ng maayos na paggasta ng pondo ng bayan. “Dapat hindi ginagalaw ang pondo ng bayan nang walang kabuluhan dahil bawat sentimo ay dapat mapunta sa tunay na serbisyo at proyekto para sa taumbayan,” giit niya.
Kaugnay nito, nagpahayag din ng buong suporta si Senador Erwin Tulfo sa isinusulong na audit. Iginiit niyang kinakailangan na alisin ang impluwensya ng politika sa paglalaan ng pondo para sa mga flood control projects. “Ito ang panawagan natin—tanggalin na ang partisipasyon ng mga pulitiko sa paglagak ng mga pondo para sa flood control programs,” aniya.
Idinagdag ni Tulfo na sa kabila ng taon-taong pondo at pagbaha, nananatiling limitado ang mga proyektong tunay na nakatutugon sa problema. Ipinahayag niya na ang audit ay makatutulong upang tukuyin kung bakit hindi nagiging epektibo ang mga inisyatiba laban sa baha.
Sa huli, muling iginiit ng mga senador na ang transparency ay dapat humantong sa mga konkretong hakbang, at ang reporma sa sistema ng pagpapatupad ng imprastruktura ay mahalaga upang maprotektahan ang mga mamamayan mula sa lumalalang epekto ng mga sakunang dulot ng klima.

