PAGCOR

Gaming industry kumita ng P214.75B sa loob lamang ng 6 na buwan

189 Views

UMABOT sa P214.75 bilyon ang kinita ng gaming industry sa bansa sa loob lang ng unang anim na buwan ng 2025, mas mataas ng 26% kumpara sa P171 bilyon na nalikom sa kaparehong panahon noong isang taon, ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Sinabi ni PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco na pinakamalaki ang ambag ng Electronic Games sector, na kinabibilangan ng E-Games, E-Bingo at Bingo grantees. Umabot sa P114.83 bilyon ang kinita nito, o katumbas ng 53.47% ng kabuuang GGR (gross gaming revenue).

Sunod naman sa kita ang mga licensed casinos gaya ng integrated resorts at mga “brick and mortar” casino sa Metro Manila, Clark, Cebu, La Union at Rizal, na nakapagtala ng P93.36 bilyon o 43.47% ng total gaming revenue ng industriya.

Samantala, nakapag-ambag ang mga casino na direktang pinatatakbo ng PAGCOR ng P6.56 bilyon, o katumbas ng 3.06% ng total GGR mula Enero hanggang Hunyo.

Ipinunto ni G. Tengco na bagama’t malaki ang kinita ng online at electronic gaming, mahalaga pa rin ang maayos at balanseng regulasyon ng industriya.

“PAGCOR recognizes the earning potential of the E-Games sector, but as the country’s gaming regulator, our foremost responsibility is to ensure that growth comes with accountability,” aniya.

“Our role goes beyond revenue generation; and as partners of the government in nation-building, we are committed to always strike a balance between enabling industry expansion and ensuring it aligns with responsible gaming standards,” dagdag pa ng PAGCOR Chairman.

Matatandaang lumagda kamakailan ang PAGCOR ng memorandum of understanding sa Ad Standards Council (ASC) para mas higpitan ang regulasyon sa mga patalastas ukol sa sugal sa lahat ng media platforms.

Naglabas na rin ang ahensya ng direktiba para baklasin ang mga ad ng sugal sa mga pampublikong lugar at primetime TV slots simula Agosto 15.

“These efforts are part of our broader mission to ensure that online gambling is not only well-regulated but also aligned with public interest,” ani G. Tengco.

Sa gitna ng tuloy-tuloy na paglago ng industriya, tiniyak ng PAGCOR na ipagpapatuloy nito ang mga repormang nakatuon sa transparency, regulatory compliance, at inclusive economic development.