Calendar
De Lima kinatigan banta ni PBBM vs tiwaling rice traders, price manipulators
KINAKATIGAN ni neophyte Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila de Lima ang naging pahayag ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA).
Para kay De Lima, nararapat lamang na magkasa ang gobyerno ng isang malawakang kampanya laban sa mga tiwali at mapagsamantalang negosyante na nagma-manipula sa presyo ng bigat at iba pang produktong agrikultura.
Sinabi ng dating senadora na hindi lamang ang talamak na graft and corruption ang kinakailangang tutukan ng administrasyong Marcos, Jr. kundi pati na rin ang mga “ganid” na negosyante na walang habas pinatutubuan ang presyo ng mga agricultural products.
Pagbibigay diin ni De Lima na malaon ng pino-problema ng pamahalaan pati narin ng Kamara noong 19th Congress ang pagsasamantalang ginagawa ng mga ganid na negosyante subalit hanggang sa kasalukuyan ay nananatili parin ang problema.
Ipinaliwanag pa ng Party List lady solon na ang mensahe ng Pangulo sa kaniyang SONA tungkol sa babala nito laban sa katiwalian at mapagsamantalang rice traders ay napapakita lamang na ang administrasyon nito ay nasa tamang direksiyon para unti-unting puksain ang umiiral na iregularidad.
Nauna rito, nananawagan si De Lima kay Pangulong Marcos, Jr. upang tutukan ng pamahalaan ang mga pangunahing problema ng bansa na minana naman kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon kay De Lima, dapat pagsikapan ng Pangulo na maisulong ang mga kinakailangang reporma sa ating bansa bunsod ng pinaniniwalaan niyang kawalan ng “good governance” dahil sa pauloy na pamamayagpag ng korapsiyon na hinayaan lamang ng administrasyong Duterte sa halip na sawatain.

