Villanueva

Pagtutok ni PBBM sa korapsiyon sa mga flood control programs sa kaniyang SONA message ikinagalak ni Bro. Eddie

Mar Rodriguez Jul 30, 2025
364 Views

IKINAGAGALAK ni CIBAC Party List Representative Eduardo “Bro. Eddie” C. Villanueva na tinutukan ni President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kaniyang SONA ang nangyayaring korapsiyon sa mga “flood control programs”.

Sinabi ni Bro. Eddie na ikinatutuwa nito sapagkat sa wakas ay binuksan na rin ni Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) message ang matagal ng nangyayaring katiwalian sa mga naturang programa.

Pagbibigay ni Villanueva na matagal na nitong isinisiwalat ang isyu ng katiwalian sa flood control programs kung saan dumating aniya sa punto na tanging siya na lamang ang nag-iisang lumalaban sa mga kabulastugan ng programang ito.

Ayon kay Bro. Eddie, nagpapasalamat siya kay Pangulong Marcos, Jr. dahil sa pagbubukas nito sa isyu ng korapsiyon sa naturang programa kung saan mas lalo pang lumala ang problema ng mga pagbaha sa kabila ng P1 bilyong budget para dito.

Umaasa ang kongresista, founder ng Jesus-Is-Lord (JIL), na matapos ang pagbanggit ni PBBM sa korapsiyon sa flood control programs ay susundan naman ito ng paglalatag ng pamahalaan ng mga konkretong pamamaraan para tugunan ang problema.

Ipinahayag pa ni Bro. Eddie na inaasahan din nila sana sa nakalipas na SONA ni Pangulong Marcos, Jr. ang pagbanggit nito sa pagkikibaka ng gobyerno sa online gambling gaya ng kaniyang ginawa noong nakaraang taon sa isyu ng POGO.

Gayunman, naniniwala ang mambabatas na bagama’t hindi nabanggit sa talumpati ni PBBM ang malalang problema ng online gambling na maraming buhay ang sinisira nito ay magkakasa naman ang gobyerno ng kampanya laban sa problemang ito.