Press1

Panayam sa karapatan ng mga bingi, isinagawa

391 Views

NAGSAGAWA ng panayam si Diana Pria Vizmanos, Advocacy Deaf Officer ng Yunit ng Filipino Sign Language ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) hinggil sa Karapatan ng mga Bingi noong Hulyo 21, 2025.

Ang gawaing ito ay bahagi ng Pagdiriwang ng Pambansang Linggo ng mga Karapatan ng mga Taong Maykapansan, alinsunod sa Proklamasyon Blg. 597 serye 2024.

Tinalakay niya ang mga batas at patakaran kung saan nakaangkla ang mga karapatan ng mga bingi.

Kabilang dito ang Batas Republika (BR) 7277 (Magna Carta for Disabled Persons) at United Nations Convention on the Rights of Persons with Disabilities (UNCRPD) bilang batayan ng mga karapatan ng mga Bingi, BR 11106 (Filipino Sign Language) bilang opisyal na wika ng mga Bingi sa Pilipinas, at ang BR 10533 (Enhanced Basic Education) na nagsusulong sa pagiging ingklusibo ng mga paaralan.

Kabilang din sa mga napag-usapan ang mga kaugnay na usapin tungkol sa reasonable accommodation na iginigiit ang pagkakaroon ng assistive technology, modified communication at visual alert system, real-time captioning, at FSL interpreters sa mga publiko at pribadong opisina, edukasyon, midya, at mga pampublikong serbsiyo katulad ng transportasyon, korte, at ospital.

Tinalakay rin ang mga isyung kinahaharap ng mga Bingi katulad ng diskriminasyon sa trabaho at kakulangan ng mga FSL interpreter sa mga liblib na lugar kaya kulang ang kamalayan ng mga tao rito sa usapin ng ingklusyon.

Binigyang-diin niya sa huling bahagi ng kaniyang panayam na dapat ay walang maiiwan at ang karapatan ng mga Bingi ay liwanag din ng bawat Pilipino. Nagsilbi niyang interpreter si Alfredo H. Putan Jr.