Madrona

Kamara dapat kumilos vs fake news na pumapatay sa turismo ng bansa -Madrona

Mar Rodriguez Aug 6, 2025
217 Views

Madrona1NANININDIGAN ang Chairman ng House Committee on Tourism na si Romblon Lone District Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na kailangang kumilos ang Kongreso para labanan ang “fake news” na unti-unting kumikitil sa turismo ng bansa.

Binigyang diin ni Madrona na hindi dapat hayaan ng Kamara de Representantes na mamayagpag ang mga fake news o negatibong impormasyon na naglipana sa social media na sumisira sa kredebilidad at integridad ng ating turismo.

Sinabi ng kongresista na malaki ang nagiging dagok sa tourism industry ng mga paninira laban sa mga lugar na malimit pinupuntahan ng mga lokal at dayuhang turista batay narin sa naging pahayag ng Department of Tourism (DOT).

Ayon kay Madrona, ang kauna-unahang isinasa-alang alang ng mga turista ay ang kaligtasan ng isang partikular na tourist destination. Kaya kapag may mga negatibong impormasyon patungkol sa nasabing lugar, tiyak na hindi na ito pupuntahan ng mga biyahero.

Ipinahayag pa ni Madrona na hindi na mahalaga kung sino ang nagpapalaganap ng mga fake news at paninira sapagkat ang dapat ngayon tutukan ay kung papaano mapapawi ang agam-agam ng mga taong nalason ang isipan dahil sa mga negatibong balita.

May hinala din ang mambabatas na maaaring isang pananabotahe ang mga naturang paninira laban sa Philippine tourism dahil hindi aniya maikakaila na ang turismo ng bansa ang isa sa mga “economic backbone” ng ating gobyerno.

Samantala, bumisita sa tanggapan ni Madrona ang delegasyon ng TESDA MIMAROPA sa pangunguna ni Regional Director Angelina M. Carreon kung saan tinalakay sa ginanap na pagpupulong ang mga programang isususlong ng kongresista para sa Romblon kabilang dito ang delicacy ng lalawigan na “sarsa”.