Calendar
Makikiting pinipirmahan ni Tingog Partylist Rep. Yedda Marie K. Romualdez ang Magna Carta for Children at Magna Carta of Workers sa Informal Economy sa Plenary Hall, nitong August 5, 2025.
Tingog isinusulong proteksyon sa mga bata, manggagawa sa informal sector

ISINULONG nina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Romualdez, at Jude Acidre ang Magna Carta for Children at Magna Carta of Workers in the Informal Economy (MCWIE) para maproteksyunan at mabigyan ng suporta ang mga bata at mga manggagawa sa impormal na ekonomiya.
Ang House Bill (HB) No. 3137 o Magna Carta for Children ay isang mahalagang panukalang alinsunod sa mga obligasyon ng Pilipinas sa ilalim ng United Nations Convention on the Rights of the Child (UNCRC). Pinagtitibay ng panukalang batas na ang mga bata ay hindi lamang pasibong tumatanggap ng benepisyo, kundi aktibong may taglay na mga karapatan na kailangang protektahan, bigyang-kapangyarihan, at pakinggan.
Batay sa pinakahuling datos, umabot na sa 26.4% ang child poverty rate sa bansa, na nagpapakita ng patuloy na hamon na kinakaharap ng milyun-milyong batang Pilipino. Nanatiling mababa ang partisipasyon sa pre-kindergarten programs, kung saan halos 40% lamang ng mga batang edad tatlo hanggang apat ang nakapagtala sa mga pampubliko at pribadong paaralan. Bukod dito, ayon sa datos noong 2023, may 17,681 kaso ng karahasan laban sa mga bata, na nagpapakita ng agarang pangangailangan para sa mas matitibay na hakbang upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng mga bata.
Itinatadhana ng panukala ang malawak na saklaw ng mga karapatan, mula sa karapatang mabuhay at umunlad, proteksyon laban sa karahasan, pang-aabuso, child labor, trafficking, at child marriage, hanggang sa edukasyon, kalusugan, paglalaro, at partisipasyon sa pamahalaan. Magtatatag din ito ng Philippine Commission on Children, na magiging pangunahing ahensya sa usaping karapatan at kapakanan ng mga bata, kapalit ng kasalukuyang Council for the Welfare of Children.
Bukod pa rito, itatalaga rin sa ilalim ng panukala ang Commission on Human Rights bilang Child Ombudsman upang mas mapalakas ang mga mekanismo ng proteksyon sa mga bata at pananagutan sa iba’t ibang sektor.
“Children are the heart of our future, and we owe them a society that not only protects them from harm but also listens to their voices, nurtures their talents, and empowers them to become leaders of tomorrow”, ani Rep. Romualdez. “The Magna Carta for Children institutionalizes our collective commitment to building a safe, inclusive, and child-friendly Philippines”.
“This bill is more than policy, it is a promise,” dagdag ni Rep. Jude Acidre. “A promise to uphold every child’s dignity and to build a future where no child is left behind, whether in education, healthcare, or protection from violence.”
Samantala, ang HB No. 3138 o Magna Carta of Workers in the Informal Economy ay naglalayong maglatag ng komprehensibong balangkas ng polisiya para sa pagkilala, proteksyon, at pormalisasyon ng mga manggagawa, negosyo, at organisasyon sa sektor ng impormal na ekonomiya—isang madalas na napapabayaan ngunit mahalagang bahagi ng pambansang ekonomiya.
Ayon sa pinakahuling estadistika, humigit-kumulang 20.7 milyong Pilipino o 42% ng kabuuang manggagawa ay nasa impormal na sektor, kabilang na ang mga nagtitinda sa kalsada, tsuper, home-based producers, at mga nangangalakal ng basura. Kapag isinama ang mga nasa hindi regular at delikadong trabaho, tinatayang aabot ito sa 35 milyon o 72% ng lakas paggawa sa bansa. Sa kabila ng dami nila, madalas silang hindi nakikinabang sa social protection, skills training, livelihood support, at legal na proteksyon.
Layon ng panukala na maisama ang mga manggagawang ito sa pormal na ekonomiya at matiyak na magkakaroon sila ng access sa social protection, pagsasanay, suporta sa pamilihan, at maayos na kabuhayan.
Binigyang-diin ni Rep. Yedda Romualdez ang kahalagahan ng panukalang ito sa pagsusulong ng inklusibong pag-unlad ng ekonomiya at pagbawas ng kahirapan, at sinabing: “Informal workers are not invisible, they are our vendors, jeepney drivers, kasambahays, and small farmers. They are the backbone of local economies. The MCWIE seeks to end decades of exclusion and ensure that every Filipino worker enjoys dignity, protection, and a pathway to prosperity”.
“Through this bill, we are laying down the legal and institutional foundation to bring our informal workers into the fold of inclusive development,” ani Rep. Andrew Romualdez. “We want a government that works not just for the privileged few, but for the millions who labor quietly, without recognition or protection.”
Inaatasan din ng panukala ang pagkolekta ng mahahalagang pambansa at lokal na datos, pagtatatag ng mga mekanismong sumusuporta sa transisyon patungo sa pormal na ekonomiya, at ang paggamit ng whole-of-government approach sa pagpapatupad ng mga repormang ito, sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan.
Binibigyang-diin ng dalawang panukala ang adbokasiya ng Tingog Party-list para sa isang gobyernong tumutugon at may malasakit—isang pamahalaang kinikilala ang tunay na kalagayan ng mga marhinalisadong Pilipino at kumikilos nang may determinasyon upang mapabuti ang kanilang buhay.

