Calendar
Sotto pinanindigan pagtutol sa pagbasura ng impeachment ni VP Sara
MARIING nanindigan at lumaban si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III laban sa panukala ni Sen. Rodante Marcoleta ibasura ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng mosyon nga ni Marcoleta na agad itong itigil.
Sa kanyang talumpati sa Senado, iginiit ni Sotto ang pangangailangang maghintay ng pinal na desisyon mula sa Korte Suprema bago gumawa ng anumang hakbang. “The Supreme Court decision, although immediately executed, is not yet final. Thus, appealable,” aniya.
“Ngayon, naka-appeal na. Marami ang nagtatanong—kung naka-appeal na ba, bakit tayo nagmamadaling i-dismiss ito?”
Binigyang-diin niya na maaaring magbago ang desisyon ng Korte at mapawalang-bisa ang ginawang pagbasura. “A case decided unanimously does not mean that it is infallible. For all we know, it is a unanimous mistake.”
Bilang patunay, binanggit ni Sotto ang mga kasong Mining Law (2004) at Lopez v. Lopez, kung saan binawi ng Korte Suprema ang sarili nitong desisyon. “The Supreme Court granted the MR, reversing and setting aside its earlier ruling,” aniya.
Bukod dito, tinukoy niya ang mga factual error sa desisyon, partikular sa petsa ng pag-aadjourn ng 19th Congress. “February 5 did not terminate the 19th Congress,” giit niya. Ipinaliwanag niyang kapag nag-aadjourn para sa Pasko, Mahal na Araw, o eleksiyon, hindi ito nangangahulugang tapos na ang Kongreso. “Treaties, bills, resolutions—anything filed continues. It is never archived.” Dagdag pa niya, “Perhaps the lawyers of the ponentes did not realize that… May mali agad. Pati ba legislative rules natin gusto nilang palitan?”
Pinunto rin ni Sotto ang tila maling interpretasyon ng Korte sa salitang “initiation” ng impeachment, na ngayo’y inaaplay nang paurong.
“Please apply it prospectively… Applying it retroactively violates the doctrine of operative facts,” babala niya.
Kinuwestyon din niya ang argumento na walang hurisdiksyon ang Senado sa kaso.
“Mr. President, ano po ang tawag sa pagbuo ng impeachment court? Nag-constitute na tayo, nagpadala ng summons… Ano po ‘yon kung hindi pagkilos bilang impeachment court?”
Isinaad ni Sotto na maraming abogado, kabilang si dating Senate President Aquilino Pimentel III, ang nalilito sa desisyon.
“It is incoherent and some parts are off topic. Para bang pinagtagpi-tagpi.” Bagama’t may personal siyang ugnayan sa pamilya Duterte, binigyang-linaw niya na hindi ito usapin ng personalidad. “What I’m pointing out is the danger of outright dismissing the impeachment proceedings by virtue of a decision that is not yet final and still pending appeal.”
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, binigyang-diin ni Sotto ang babala ni Justice Marvic Leonen: “The Supreme Court is not perfect. Even Supreme Court ka, pwede kang mag-commit ng grave abuse of discretion.”
Muli niyang inulit: “A case decided unanimously does not mean it is infallible. For all we know, it is a unanimous mistake.” Dahil dito, naghain siya ng mosyon: “I move to table the motion to dismiss. A motion to table has a higher precedence than a motion to dismiss.”
Sinang-ayunan si Sotto ni Senador Panfilo Lacson, na binigyang-linaw na walang probisyon sa Senate Rules tungkol sa motion to dismiss. “Nowhere in our rules can I find a provision on a motion to dismiss,” aniya. “We are now assembled in plenary, not as an impeachment court.” Idiniin niyang hindi maaaring gamitin ang Rules of Court sa ganitong konteksto. “Maski po basahin natin isang daan beses ang ating Rules of the Senate, wala pong suppletory application sa ating Rules.”
Nagpahayag naman ng agam-agam si Senadora Risa Hontiveros kung maaaring kumilos ang Senado bago ito pormal na maitalaga bilang impeachment court. “Hindi po ba dapat pasumpain muna ng Presiding Officer with us convened as an impeachment court yung mga bagong halal na senador para makapag-convene tayo bilang impeachment court at itreat yung mga motions at Bar?” Paalala pa niya, “The Supreme Court decision is not yet final… and the court itself has given 10 days for the Vice President to comment.”
Iminungkahi rin ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na igiit ng Senado ang kapangyarihan nito ayon sa Konstitusyon. “Should we not at least assert the power and the prerogative under the Constitution… the sole power to try and decide?” Tinawag niyang “flawed” ang desisyon ng Korte sa aspetong legal, procedural, at sa isyu ng one-year bar at due process. Ayon sa kanya, may karapatan ang Senado bilang Impeachment Court na magsampa ng sarili nitong motion for reconsideration.
Sa ngayon, wala pang naging botohan sa Senado kaugnay ng mosyon ni Marcoleta o sa counter-motion ni Sotto. Nahaharap ang Senado sa isang mahalagang pagsubok kung paano nito igigiit ang gampanin nito sa ilalim ng Konstitusyon.

