Calendar
Gatchalian ipinanukala 4% GDP na pondo para sa edukasyon
IMINUNGKAHI ni Senador Sherwin Gatchalian ang malaking pagtaas sa pondo ng edukasyon para sa 2026, na layong maabot ang alokasyong katumbas ng 4% ng Gross Domestic Product (GDP) upang tugunan ang aniya’y matinding krisis sa pagkatuto at matiyak ang kinabukasan ng bansa.
“Pipilitin nating umabot o lumagpas ng 4% ng GDP ang budget ng edukasyon dahil malaki ang kailangang pondo para masolusyunan ang krisis sa edukasyon. Hindi ibig sabihin na isasantabi na ang ibang sektor. Bibigyan lang natin ng prayoridad ang edukasyon,” binigyang-diin ni Gatchalian, na pinamumunuan ang Senate Committee on Finance.
Ayon sa senador, tututok ang panukalang pondo sa “going back to the basics”—pagpapatibay ng kasanayan sa pagbasa at pagbibilang mula Kindergarten hanggang Grade 3. Kabilang din sa mga prayoridad ang pagpapatuloy ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program at muling pagbuhay sa counterpart program, kung saan maghahati sa gastusin ang pambansa at lokal na pamahalaan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Upang maibsan ang pasanin ng mga guro, iminungkahi rin ni Gatchalian ang pagdaragdag ng teacher aides na aako sa mga gawaing administratibo at iba pang hindi direktang kaugnay sa pagtuturo.

