Vargas

Vargas optimistiko na maaaprubahan ngayong taon ang House Bill No. 3415

Mar Rodriguez Aug 11, 2025
435 Views

UMAASA si House Deputy Majority Leader at Quezon City 5th District Representative Patrick Michael “PM” D. Vargas na maaaprubahan ng Kamara de Representantes ang House Bill No. 3415 na muli nitong bago matapos ang taong 2025.

Optimistiko ang House Deputy Majority Leader na tuluyan ng maisasabatas ang kaniyang panukala o “Magna Carta of the Youth” na naglalayong mabigyan ng kaukulang proteksiyon at oportunidad ang mga Out of School Youth (OSY).

Muling binigyang diin ni Vargas na ang hanay ng mga OSY ang isa sa mga itinuturing na “marginalized sector” sa ating Lipunan kung saan napakarami aniyang mga kabataan ang hindi nakakapag-aral dahil sa hagupit ng kahirapan.

Dahil dito, naniniwala si Vargas na ang House Bill No. 3415 ang makakatugon sa problema ng mga kabataang hindi nakakapag-aral na sa isa rin sa mga pinagmumulan ng “illiteracy” sa hanay ng mga kabataang walang kakayahang makapag-aral.

Ipinaliwanag ng kongresista na madalas ay nakatuon ang pamahalaan pati narin ang mga polisya sa mga kabataang nasa loob ng paralaan subalit nakakaligtaan din ang mga kabataang hindi nakakapag-aral na nananatili hanggang sa kasalukuyan.

Ayon kay Vargas, nakasaad sa panukala ang paglikha ng isang Out-of-School Youth Welfare Council na siyang mangunguna sa koordinasyon ng mga inter-agency na hakbang upang maipahatid ang mga pambansang programa at serbisyo para sa OSY.

Muling iginiit ng QC solon na: “sa paggunita natin sa mga kabataan ngayong linggo. Kailangan tiyakin nating walang maiiwan lalo na ang mga hindi naaabot ng pormal na edukasyon. Hindi lamang ito pagdiriwang kundi isang panawagan”.