Calendar
Linggo ng Kabataan sa Batangas sinimulan ng Kabataan Synergy ’25
UMABOT sa 350 youth leaders at 22 paaralan sa Batangas City ang umattend sa Katipunan ng Kabataan Synergy 2025 bilang pagsisimula ng selebrasyon ng Linggo ng Kabataan noong August 8.
Tampok sa forum ang Sustainable Development Goals (SDGs) na tinalakay ni CLB Vice President for Research, Extension, Planning and Linkages Dr. Rosanni Del Mundo.
Ang SDGs ay binubuo ng 17 pandaigdigang layunin na pinagtibay ng lahat ng kasaping bansa ng United Nations noong 2015 bilang bahagi ng 2030 Agenda for Sustainable Development.
Layunin ng mga ito na tugunan ang mga pangunahing isyu tulad ng kahirapan, kagutuman, edukasyon, kalusugan, kalikasan at katarungan upang makamit ang isang mas inklusibo at napapanatiling kinabukasan para sa lahat pagsapit ng 2030.
Kasunod nito, nagkaroon din ng Anti-Drug Abuse Awareness Session sa pangunguna ni PDEA Provincial Officer Rachelle Mission.
Tinalakay dito ang mga operasyon ng kanilang ahensya, ang estado ng Barangay Drug-Clearing Program, ang papel ng mga Sangguniang Kabataan sa kampanya kontra droga, mga paraan upang maiwasan ang Substance Abuse at ang pagbuo ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan.
Tampok din sa okasyon ang panunumpa ng 35 Junior City Officials, na pormal na nanumpa sa harap ni Batangas 5th District Rep. Beverley Dimacuha.
Bahagi ng pagdiriwang ang ilang patimpalak gaya ng Spoken Word Poetry Competition at Synerquiz: An Inter-School Quiz Bee.

