Calendar
Ping nanawagan na isapubliko nagsusulong ng amyenda, budget insertions
NANAWAGAN si Senador Panfilo “Ping” Lacson sa Senado na isapubliko ang mga pangalan ng mga mambabatas na nagsusulong ng mga amyenda at budget insertions sa pambansang badyet, sa gitna ng umiigting na panawagan para sa transparency sa paggugol ng pondo ng bayan.
Sa plenaryong deliberasyon para sa Senate Concurrent Resolution No. 4, na layong itaguyod ang pagiging bukas ng proseso ng paghahanda ng 2026 national budget, iginiit ni Lacson na ang pagbubunyag kung sino ang nasa likod ng bawat amyenda ay susi sa pananagutan—lalo na kung ang mga proyektong isinusulong ay substandard o hindi umiiral.
“To truly ensure transparency in the national budget process, the identities of individual proponents of amendments aka insertions must also be made public, so they may be made answerable for substandard or ghost projects that they proposed in the crafting of the GAA,” aniya sa isang post sa X (dating Twitter).
Sa interpelasyon sa naturang resolusyon, hinarap ni Lacson si Senador Sherwin Gatchalian, tagapangulo ng Senate finance committee at pangunahing tagapagtaguyod ng panukala, at iginiit ang kahalagahan ng pagpapangalan sa mga may-akda ng budget amendments.
“We have to be able to identify sino ang proponent/s ng amendments. Can we do that? We are for full transparency. The most genuine transparency is full transparency,” saad ni Lacson.
Binigyang-diin niyang ang kawalan ng pangalan ng mga tagapagpanukala ay magbubukas ng puwang para sa mga tagong insertion na kadalasang ginagamit sa pansariling interes.
“Kung hindi rin full transparency, ayokong sabihing naglolokohan, pero hindi rin fully transparent. It will defeat the purpose… Pag di na-identify back to the proponent/s ng amendment/s, kanya-kanya tayong singitan na naman.”
Tinukoy din ni Lacson ang paliwanag ni Gatchalian na hindi lahat ng dokumento ukol sa mga amyenda ay maaaring i-upload sa opisyal na budget portal ng pamahalaan upang maiwasan umano ang “complexity.” Sa kasalukuyan, tanging ang committee report ang ilalathala online.
Para kay Lacson, binabawasan nito ang tunay na layunin ng panukala.
“Even in the second reading in the House, may bulungan na, and the amendments are not taken up in plenary,” aniya, sabay banggit na marami sa mga amyenda sa Mababang Kapulungan ay dumaraan sa impormal na mga proseso.
Ibinahagi rin ng senador na maging ang kanyang opisina ay nahihirapan sa pagbalik-aral ng mga nakaraang taon ng badyet dahil sa kawalan ng dokumentasyon kung sino ang nagsulong ng partikular na pagbabago.
“Ang hirap maghanap, mag-review sa budget deliberation… Pero kung may record ako kanino galing ang amendment, mas madali hong maghanap.”
Pinabulaanan rin niya ang pahayag na teknikal na mahirap i-upload ang lahat ng uri ng amendments, kahit pa ito ay paulit-ulit na binago.
“It’s not really difficult if we want to do it… If we upload all the amendments, even amendments to the amendments to the amendments, hindi mahirap i-upload yan Mr. President, especially written amendments.”
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, iminungkahi ni Lacson ang kanyang kahandaan na tumulong upang maisakatuparan ang layunin ng panukala.
“I’m willing to help work on it to make it happen.”

