Basura pinakaproblemang sanhi ng baha — Rep. Garcia

362 Views

HINIMOK ng isang dating general manager ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na atasan ang mga opisyal ng barangay sa buong bansa na linisin ang mga daluyan ng tubig upang maiwasan ang pagbaha sa kanilang mga komunidad.

Ipinahayag ni Rizal Rep. Jojo Garcia ang panawagang ito sa ikalawang briefing ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon hinggil sa usapin ng pagbaha at mga pumalyang flood control projects.

“Ang pinaka-problema po ay ang basura. Ito ang experience namin sa maliit na bayan ng San Mateo,” sabi ni Garcia, isang dating MMDA general manager, sa kanyang mga kasamahan.

Naalala ni Garcia na bago ang mga nagdaang pag-ulan, siya at ang alkalde ng kanyang bayan ay humiling sa mga opisyal ng barangay na linisin ang mga daluyan ng tubig sa kanilang mga komunidad.

“Naging epektibo po ang ginawa nila, naibsan ang flooding sa San Mateo,” aniya.

Naalala rin ni Garcia na noon, isinama ng DILG ang mga barangay sa pagpigil sa pagbaha.

“We could ask Secretary Jonvic Remulla to re-issue such a directive,” aniya.

Binigyang-diin niya na ang pagsasama ng mga barangay sa paglilinis ng mga daluyan ng tubig upang mabawasan ang pagbaha “is just a short-term solution, which we should undertake while waiting for the medium-term and long-term solutions.”

Ang problema sa mga medium-term at long-term flood mitigation structures “is they are multi-year projects and they often get damaged whenever it rains,” dagdag niya.

Ibinahagi naman ni Marikina City Rep. Romero Quimbo sa kanyang mga kasamahan ang ginawa ng kanyang lungsod at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) upang mabawasan ang pagbaha sa kanilang lugar.

Sinabi niya na ang Marikina “serves as the valley that receives floodwaters from its neighbors, including San Mateo and Antipolo and the Sierra Madre mountain range.”

Pinasalamatan din ni Quimbo ang yumaong alkalde ng Marikina City na si Bayani Fernando sa kanyang mga pagsisikap na tiyakin na walang mga informal settler na nakatira sa kahabaan ng Marikina River, na nagpanatiling malinis sa mga daluyan ng tubig.

Sinabi niya na nakipagtulungan ang pamahalaang lungsod at ang DPWH upang “expand the water containment capacity of the Marikina River and Nangka River, constructed flood protection walls along Marikina River and built water interceptor channels.”

Ayon pa kay Quimbo, nagtayo rin sila ng mga underground water impounding structures upang saluhin ang baha, na saka ipina-pump palabas matapos ang pag-ulan.

Ngunit ang pinakamalaking nakatulong sa pagpapababa ng pagbaha sa Marikina at mga kalapit na lugar ay ang Upper Wawa Dam, isang pasilidad ng Manila Water, dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Quimbo na sa kahilingan ng pamahalaang lokal ng Marikina, isang bahagi ng dam ang ginagamit upang saluhin ang tubig-ulan mula sa Sierra Madre.

“Napakalaking tulong no’ng Upper Wawa Dam. It holds up to 20 million cubic meters of rainwater that could otherwise flow to Marikina and low-lying areas,” diin niya.

Iminungkahi rin niya na ituloy ang isa pang proyekto ng dam, ang Triple Dam, sa lugar ng Sierra Madre.

“This is the long-term solution to flooding in many parts of Metro Manila, including Quezon City and Caloocan City,” sabi ni Quimbo.