Momo

Momo: Baha sisihin sa mga ulan na mala-Ondoy, Crising

299 Views

BINIGYAN-DIIN ni Rep. Romeo Momo Sr. ng 1st District ng Surigao del Sur sa pagdinig ng House Committee on Public Accounts noong Miyerkoles ang dami ng ulan na bumuhos sa Metro Manila mula Hulyo 19 hanggang 25—na maihahambing sa lakas ng ulan ng mga Bagyong “Ondoy” at “Carina”— kaya binaha ang maraming lugar.

Ayon kay Momo halos one-third ng dami ng ulan na bumubuhos sa Metro Manila sa loob ng isang taon ang bumagsak sa loob lamang ng pitong araw.

Ayon sa datos mula sa Effective Flood Control Operation System ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sinabi ni Momo na umabot sa 665.5 millimeters ang ulan sa loob ng isang linggo, o 28 porsyento ng taunang average ng Metro Manila.

“Ibig sabihin sa period ng isang linggo, one-third of the annual average rainfall in Metro Manila binuhos lamang ng isang linggo na ulan,” ayon sa pahayag ni Momo sa House Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa isang briefing ng Department of Public Works and Highways (DPWH) tungkol sa mga proyekto sa flood control at mga hakbang para tugunan ang problema ng pagbaha sa Metro Manila.

“Lagi kasi nating sinisisi ang flood control, ‘di rin natin tinitingnan kung gaano ang volume na pumasok sa mga flood control systems ng MMDA at DPWH,” dagdag pa ni Momo.

Tinanong ni Committee Chair Rep. Terry Ridon kung ang halos isang linggong pag-ulan ay katumbas ng lakas ng ‘Ondoy’ at ‘Carina,’ at kung ito ay nakapinsala sa kakayahan ng mga flood control system ng bansa.

Ayon kay PAGASA Deputy Administrator Engr. Roy A. Badilla, nagdala ang ‘Ondoy’ at ‘Carina’ ng malakas pero panandaliang ulan, habang ang kamakailang weather disturbance na ‘Crising’ ay nagdala ng parehong dami ng ulan sa mas mahabang panahon, kaya nagkaroon ng bahagyang pagdaloy bago pa man umabot sa pinakamalakas ang pag-ulan.

Gayunpaman, sinabi ni Momo na ang pag-ulan sa loob ng isang linggo ay katumbas ng 100-year return period, ayon sa kumpirmasyon ni DPWH Project Manager Jerry Fano, na nagpatunay na ang pag-ulan ng ‘Crising’ ay tumugma sa threshold na ito batay sa intensity-duration-frequency curve ng PAGASA.

Sa karagdagang pagtatanong, inamin ni Fano na ang mga drainage system ng Metro Manila ay dinisenyo lamang para sa 15-year return period, na na-upgrade mula sa 10-year return period noong 2005 upang isaalang-alang ang epekto ng climate change

“You can just imagine ang buhos ng ulan 100-year return period, but the capacities of our drainage system is only 15-year return period. Saan papunta ang mga tubig na ‘yan kundi mag-overflow talaga,” saad ni Momo.

Punto ng mambabatas, ang hindi pagtugma na ito ang dahilan kung bakit madalas bumaha sa Metro Manila, kaya hinikayat niya ang ganap na pagpapatupad ng Metro Manila Flood Management Master Plan upang i-upgrade ang lahat ng drainage system.

Tinalakay sa briefing ang performance ng DPWH’s Unified Project Management Office–Flood Control Cluster at nakatanggap ng update tungkol sa mga kasalukuyan at planong proyekto sa flood control.

Ito ay bahagi ng tugon ng House of Representatives, sa ilalim ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa panawagan ni President Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) na labanan ang korapsyon, substandard na trabaho, at “ghost” projects, na lumutang sa kamakailang malawakang pagbaha sa Luzon.