Calendar
LTO sinuspindi lisensiya ng rider sa stunt na delikado
SA direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na habulin ang mga pasaway na motorista, pansamantalang sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng pamumuno ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, ang lisensya ng isang rider na gumawa ng mapanganib na stunt gamit ang motorsiklo sa pampublikong kalsada.
Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, namonitor ng social media team ng ahensya ang insidente matapos itong mag-viral sa Facebook.
“Kahit saan mo anggulo tingnan, talagang delikado ang ginawa ng rider na ito lalo na at ginawa niya ito sa isang public road na maaaring pag-ugatan ng aksidente at malagay sa alanganin ang buhay ng mga road users,” ani Asec. Mendoza.
Sa naturang video, makikitang nakatayo ang rider sa isang malaking motorsiklo at sumasayaw pa habang hindi hawak ang manibela.
Naglabas na rin ng Show Cause Order (SCO) ang LTO para sa rehistradong may-ari ng motorsiklo, isang babaeng residente ng Maynila.
Sa SCO, inatasan ang may-ari na magpaliwanag sa pamamagitan ng sulat kung bakit hindi siya dapat parusahan kaugnay ng insidente, at upang tumulong sa pagkilala sa rider para sa nararapat na aksyon.
Nahaharap ang rider sa mga kasong reckless driving at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Nakasaad din sa SCO na inilagay sa alarm status ang motorsiklo upang pilitin ang pagharap ng may-ari sa tanggapan ng LTO at upang hadlangan ang anumang transaksyon habang iniimbestigahan.
“Ang kabiguang humarap at magsumite ng nakasulat na paliwanag ay ituturing ng tanggapan na pagtalikod sa karapatang marinig, at ang kaso ay dedesisyunan batay sa mga ebidensyang hawak,” dagdag pa nito.
Itinakda ang pagdinig sa Agosto 19, 2025.

