Rep. Asistio

Asistio suportado paninindigan ni Speaker Romualdez na dapat busisiin 2026 national budget

Mar Rodriguez Aug 15, 2025
317 Views

SINUSUPORTAHAN ng Chairman ng House Committee on Metro Manila Development na si Caloocan City 3rd District Rep. Dean Asistio ang paninindigan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay sa 2026 national budget.

Sinabi ng neophyte congressman na inaayudahan nito ang pahayag ni Speaker Romualdez na dapat busisiing mabuti ang 2026 national budget para tiyakin na magkakaroon ng transparency at mapawi ang anomang agam-agam ng mamamayang Pilipino.

Pagbibigay diin ni Asistio na nakikiisa ang kaniyang Komite sa pananaw ng House leadership na kinakailangang maging maingat, mabusisi at metikoloso ang ang Kongreso sa gagawing paghahanda at deliberasyon para sa pagpapasa ng national budget.

Ayon kay Asistio, sisikapin ng kaniyang Komite na maitakda ang nararapat na inisyatiba, polisiya, transparency at public accountability upang matiyak na ang lahat ng proyekto para sa Metro Manila ay galing sa kaban ng bayan.

“Sa atin po sa Committee. It is incumbent upon us to set our initiatives to measures and policies with transparency and public accountability. Lahat po ng programa at mga proyekto pagdating po sa Metro Manila Development ay mula sa kaban ng bayan. Dahil po dito, we stand with any effort of the House leadership on inclusivity,” ani Asistio.

Ipinahayag pa ni Asistio na ang Committee on Metro Manila Development ay mayroong oversight responsibility para determinahin kung ang mga batas at programa ay tumutalima sa mga usapin na nasa-ilalim ng hurisdiksiyon ng Komite.

Kasabay nito, pinapurihan din ni Asistio si President Bongbong R. Marcos, Jr. matapos nitong isiwalat ang mga di-umano’y katiwalian laban sa mga flood control contractors kasunod ang kaniyang pahayag na iimbestigahan ng Komite ang naturang isyu.