OFW

Pakikiramay para sa pamilya ng OFW na si Wilma Caña Auza

Mar Rodriguez Aug 15, 2025
355 Views

OFW1MagsinoNAGPAABOT ng taos pusong pakikiramay ang OFW Party List group para sa pamilya at kaanak ng Overseas Filipino Worker (OFW) na si Wilma Caña Auza matapos itong matagpuang walang buhay sa loob ng isang pampasaherong bus.

Sinabi ni dating OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino na isa na namang nakakalungkot na pangyayari ang sinapit ng isang OFW bagama’t walang naganap na “foul play” sa pagkamatay ni Auza batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad.

Gayunman, ipinahayag ni Magsino na ang nakakalungkot ay mayroong pamilyang naiwan si Auza. Lalo na ang anak nito na pitong taong gulang matapos matagpuan sa kaniyang naiwang kagamitan ang sulat nito para sa kaniyang anak.

Ayon kay Magsino, ang ganitong pangyayari ang ilan lamang sa mga suliraning kinakaharap ng mga OFWs habang ang iba ay namamatay sa ibayong dagat sa kamay ng kanilang amo dahil itinuturing ang kanilang trabaho bilang “buwis buhay”.

“Sa tuwing makaka-balita tayo ng ganitong pangyayari. Tayo ay lubos na nalulungkot dahil isa namang OFW ang namatay kahit pa sabihin na wala namang foul play. Pero mayroon siyang naiwang pamilya na binubuhay pa niya,” sabi ni Magsino.

Dahil dito, hinihiling ng dating kongresista sa pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) na magpaabot ng tulong para sa naiwang pamilya ni Auza lalo na at nag-aaral pa ang kaniyang naiwang pitong gulang na anak.

Ayon sa ulat, si Auza ay binawian ng buhay sa loob ng isang pampasehrong bus habang ito ay pauwi sa kanilang tahanan sa Dumaguete City na pinaniniwalaang galing ito ng Japan base sa natagpuang plane ticket.

Nakita rin ang identification ng biktima mula sa Kuwait dahilan upang paniwalaang galing si Auza sa nasabing bansa at may connecting flight lamang papuntang Japan bago tuluyang umuwi sa Pilipinas.

Gayunpaman, nakita rin ang kanyang Identification card mula sa Kuwait, dahilan upang paghinalaang galing talaga siya roon at may connecting flight lamang sa Japan bago tuluyang umuwi sa Pilipinas.

Ayon sa isang pasahero, tinulungan pa niya si Auza matapos itong magreklamo ng matinding pananakit ng ulo. Nilagyan pa umano ito ng ointment bilang paunang lunas, subalit agad itong nagsuka matapos ang ilang sandali.

Napansin ng pasahero na bigla na lamang tumagilid ang katawan ni Auza. Nang lapitan siya ng konduktor upang bigyan ng ticket, hindi na ito tumutugon. Sa una ay inakalang natutulog lamang siya, ngunit nang pilit na ginising at sinuri ang pulso, natuklasang wala na siyang hininga.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang sanhi ng kanyang pagkamatay.