PWD

Pilot rollout ng unified PWD ID system pinuri ni Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Aug 15, 2025
222 Views

PINURI ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pilot rollout ng pamahalaan ng unified identification system para sa persons with disabilities (PWDs).

Aniya, ito’y isang mahalagang hakbang tungo sa dangal, katarungan at serbisyo para sa isa sa mga bulnerableng sektor ng lipunan.

Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinimulan na ang pilot implementation sa 35 lugar sa buong bansa, kabilang ang bayan ng San Miguel sa lalawigan ng Bulacan.

Sinabi ni Romualdez, pangunahing may-akda ng House Bill No. 16 na naglalayong palawakin ang diskwento para sa mga senior citizen at PWDs, na patunay ito sa taos-pusong hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan at isulong ang kapakanan ng mga sektor na higit na nangangailangan ng tulong mula sa pamahalaan.

“This unified ID will make life easier for our PWDs by ensuring that services and benefits reach them without delay, confusion, or unfair treatment. At the same time, it is a strong response to the long-standing abuse of fraudulent PWD IDs that hurt businesses and cast doubt on legitimate beneficiaries,” ayon sa pahayag ng Speaker.

Dagdag pa ng mambabatas: “Sa inisyatibong ito ng DSWD at ng National Council on Disability Affairs, matitigil na ang pagnanakaw at pagsasamantala ng ilan sa mga karapatan at benepisyo na nakalaan para sa ating mga kababayang may kapansanan.”

Layunin ng unified PWD ID system na ganap na wakasan ang paggamit ng pekeng ID at maibalik ang tiwala ng publiko sa mga benepisyong itinakda ng batas.

Tinatayang mahigit 200,000 PWDs ang makikinabang sa pilot rollout, at kapag lubos na naipatupad, inaasahang maaabot nito ang humigit-kumulang dalawang milyong PWDs sa buong bansa.

Bukod sa Bulacan, ilulunsad din ngayong linggo ang programa sa Pasay City, Muntinlupa City at Santa Rosa City, Laguna. Kabilang din sa 35 local government units (LGU) na sakop ng pilot run ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, Pangasinan, Nueva Vizcaya, Rizal, Cavite, Camarines Norte, Aklan, Bohol, Bukidnon at South Cotabato.

Sa ilalim ng bagong sistema, ang mga LGU ang tatanggap ng aplikasyon, magsusuri ng kwalipikasyon, at mag-aapruba ng unified PWD ID sa pamamagitan ng kani-kanilang Persons with Disability Affairs Offices, habang ang NCDA naman ang mangangasiwa sa centralized ID printing.

Kabilang sa mga security feature nito ang digital ID na maa-access sa pamamagitan ng mobile app o web portal, QR code para sa agarang beripikasyon ng mga establisimyento, at RFID-enabled physical card para sa dagdag na proteksyon.

Matatandaan na kinondena ni Speaker Romualdez ang laganap na pang-aabuso at paggamit ng pekeng PWD ID, na aniya’y nagdudulot ng pagkalugi sa mga negosyo at nagiging sanhi upang kuwestiyunin at pagdudahan ang mga lehitimong PWDs.

Noong Hunyo, kasama sina Tingog Party-list Reps. Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre, naghain siya ng HB 16 para masiguro na maibibigay pa rin ang mga promotional discount ng mga negosyo bukod sa kasalukuyang 20 porsiyentong diskwento at 12 porsiyentong value added tax (VAT) exemption para sa mga senior citizen at PWDs.

Sa paglulunsad ng unified ID, nanawagan si Romualdez sa mga negosyo, LGU at mamamayan na maging aktibong katuwang sa pagpapanatili ng integridad ng sistema.

“The DSWD has worked hard to make this system as fool-proof as possible. But we must all remain vigilant. Let’s verify IDs, report abuses, and keep improving the system so it truly serves those who need it,” ayon sa pinuno ng Kamara.

Tiniyak din ni Romualdez na patuloy na isusulong ng Kongreso ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng PWDs.

“Katuwang din natin ang ating mga PWD sa pagbuo at pagsulong ng ating minamahal na bansa. Nararapat lamang na maibigay sa kanila ang mga benepisyong itinakda ng batas,” ayon kay Speaker Romualdez, kasabay ng pagbibigay-diin na higit pa sa modernisasyon ng teknolohiya ang proyekto.

“The unified PWD ID system is not just digitalization at work—it is compassion, recognition, and justice made real for our PWDs,” aniya.