Calendar
Binisita ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City nitong Martes, kasama sina Health Secretary Teodoro Herbosa at EAMC chief Dr. Alfonso Nuñez.
PBBM nagpasalamat sa mga doktor, health workers sa patuloy na kabayanihan
NAGPASALAMAT muli si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga doktor at health workers ng bansa para sa kanilang kabayanihan at dedikadong serbisyo sa bayan, sa kanyang pagbisita sa East Avenue Medical Center (EAMC) ng Martes sa Quezon City.
“Kailangan nating pasalamatan lahat ng ating magigiting at napakasipag at napaka-dedicated na healthcare workers,” ani Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa EAMC.
“Sa mga doktor, sa mga nurse, sa mga medtech, sa mga staff, sa mga non-medical, lahat. Alam naman natin hindi sila necessarily na sumusunod sa oras ng kanilang duty.
‘Pag kinakailangan sila, sila ay nandiyan pa rin kahit na on break na sila,” dagdag pa ng Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo ang kabayanihan at dedikasyong ipinakita ng mga doktor at health workers, lalo na noong panahon ng COVID-19 pandemic.
“Ito ang kabayanihan na ating nakita noong COVID. At tuloy-tuloy nakikita natin ang kabayanihan ng ating mga medical health workers,” sinabi ni Pangulong Marcos, sabay paggunita na siya mismo ay tinamaan ng virus noong pandemya.
“At talaga namang isa na ako doon. I was one of the beneficiaries. Kung hindi sa inyo, hindi na ako—wala na ako rito, natangay na ako ng COVID,” pagbabahagi ng Pangulo.
“Kaya, again, that instinct of service, of dedication, they continue to show—kahit walang pandemya—nakikita natin they continue to show at talagang malalaki ang puso nila para tulungan ‘yung ating mga kababayan,” dagdag pa niya.
Dumalaw si Pangulong Marcos sa EAMC upang tingnan ang pagpapatupad ng programang “Bayad na Bill mo” o ang zero balance billing program na ipinatutupad na ngayon sa 87 ospital sa ilalim ng Department of Health (DOH) sa buong bansa.
Bumisita ang Pangulo sa admitting area sa unang palapag ng ospital, at nakipag-ugnayan sa mga pasyente, tagapag-alaga, at staff ng ospital sa orthopedic ward sa ikaanim na palapag, at sa Neonatal Intensive Care Unit sa ikatlong palapag.
Nagkaroon din ng pagkakataon ang Pangulo na mag-selfie kasama ang isang batang pasyente sa orthopedic ward.
Kasama ni Pangulong Marcos sa pagbisita sina DOH Secretary Teodoro Herbosa at EAMC chief Dr. Alfonso Nuñez. PCO

