Calendar
PBBM binalaan mga tiwali sa pamahalaan
NAGBABALA si President Ferdinand R. Marcos Jr. laban sa lahat ng corrupt at tiwali sa pamahalaan na mananagot sila sa oras na mapatunayang sangkot sila sa mga anomalya.
Sa kanyang speech sa pagdiriwang ng National Heroes’ Day, nagpapaalala ang Pangulo tungkol sa kahalagahan ng selfless service at pananagutan habang naglilingkod sa gobyerno.
“Gayunpaman, may iilan pa rin sa atin ang mas pinipili ang sariling interes at kapakanan kaysa sa bayan.
Kasabay ng paglipas ng panahon ay ang pagsibol ng mga bagong hamon na kailangan nating harapin,” sabi ng Pangulo.
“Pananagutin natin ang mga sangkot sa anomalya at katiwalian. Ilalabas natin ang buo at pawang katotohanan.
At titiyakin nating hindi na mauulit ang kawalan ng respeto at malasakit sa taumbayan,” binigyang-diin ng Pangulo.
Nakiusap siya sa mga tiwali na tigilan na ang pang-aabuso sa kapangyarihan at corruption.
“Kaya’t magtulong-tulong tayo upang labanan ang korapsyon. Labanan ang pang-aabuso sa tungkulin.
Labanan ang pagyurak sa ating Karapatan,” sabi niya.
Sinabi niya na tungkulin ng bawat Pilipino na magkaroon ng malasakit sa bayan.
“Hindi lang pagpapalakas ng ating depensa ang kailangan nating tutukan upang maalagaan ang ating kalayaan.
Kailangan din nating labanan ang banta ng katiwalian at pang-aabuso ng kapangyarihan sa ating lipunan,” ayon kay President Marcos.
“Bilang Pilipino, may pananagutan tayo sa ating bansa na maging mas mapanuri sa mga mali, na isiwalat ang panloloko, at panindigan ang alam nating tama, kahit hindi ito madali,” ayon sa Pangulo.
Matapos ang kanyang pananalita, dumalaw ang Pangulo sa puntod ng yumao niyang ama na si dating presidente Ferdinand Marcos Sr.
Present sa event sina Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr., Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Executive Secretary Lucas Bersamin, Taguig Mayor Lani Cayetano at National Historical Commission of the Philippines Chairperson Regalado Trota Jose Jr.

