Dizon

Pag-bid sa mga DPWH projects na lokal ang pondo pinatigil

319 Views

INIHAYAG ni Kalihim Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) nitong Miyerkules, Setyembre 3, 2025, ang pansamantalang pagpapatigil sa lahat ng bidding para sa mga proyektong pang-imprastraktura ng departamento na lokal ang pondo. Ito’y upang masusing suriin sa loob ng dalawang linggo bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya laban sa korapsyon sa ahensya.

Sa turnover ceremony na ginanap sa Department of Transportation, sinabi ni Kalihim Dizon na ang pambansang pagpapatigil sa mga aktibidad ng bidding ng DPWH ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na “linisin” ang DPWH.

“Nilinaw ng Pangulo — ayaw na niyang masayang ang pondo ng gobyerno,” sabi ni Dizon.

Nilinaw din ng kalihim na ang mga proyektong may tulong pinansyal mula sa ibang bansa o Official Development Assistance (ODA) at mga institusyong nagpapautang ay magpapatuloy.

Paliwanag niya, ang mga proyektong pinondohan ng ODA ay sumailalim sa masusing pagsusuri at bahagi ng mga infrastructure flagship projects — mga proyektong may malaking epekto at mahalaga sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa.

Ang proseso ng pag-apruba ng mga proyektong ito ay dumadaan sa ilang antas ng pagsusuri at paglilinis, kabilang ang pagsusuri ng Regional Development Council (RDC); Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev); Investment Coordination Committee (ICC) Secretariat, Technical Board and Cabinet Committee; at ng Economy and Development Council (dating NEDA Board), na pinamumunuan mismo ng Pangulo.

Tiniyak ni Kalihim Dizon sa publiko na ang DPWH ay nakatuon sa transparency, accountability, at tamang paggamit ng pondo ng bayan sa mga susunod na hakbang.