Martin

Discaya nilinaw na walang personal na transaksyon kina Speaker Romualdez, Co

331 Views

NILINAW ni Pacifico “Curlee” Discaya, may-ari ng mga construction firm na iniimbestigahan kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects, na wala itong naging direktang transaksyon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Ako-Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co.

“Baka po nagagamit lang po ng mga pulitiko ang inyong pangalan,” saad ni Discaya.

Sinabi ni Discaya under oath sa House Infra-Comm nitong Martes, na hindi kasali sa kanyang mga proyekto sina Speaker Romualdez at Co, dating chairman ng House Appropriations panel.

“Gusto ko lang pong linawin sa kanila na wala po akong direktang transaction. Hindi po ako nagkaroon ng anumang klaseng transaction sa kanila,” wika niya.

Sinabi niya na ang pagbanggit sa pangalan nina Speaker Romualdez at Co sa kanyang testimonya sa Senado ay hindi batay sa direktang ugnayan.

Muling iginiit ni Discaya na kahit nabanggit ang pangalan ng Speaker, wala siyang ebidensya o kaalaman na napunta ang pondo kay Speaker Romualdez o kay Co.

Dagdag pa niya, ang paulit-ulit na pagbanggit ng mga pangalan ang nagtulak sa kanya na magbigay ng paglilinaw sa publiko.

“Kaya sa akin mas mabuti na iparating ko kay Speaker at Zaldy Co na wala po akong direct transaction sa inyo,” saad ni Discaya.

“Ito ang mga naririnig ko lang na mga salita mula sa mga politiko na namumuwersa at namimilit na minamadali na po ang obligasyon dahil dadalhin sa inyo. Pero transaction sa kanila wala po,” diin pa ng contractor.

Dito tinanong siya ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima kung ang kanyang paglilinaw ay tumutukoy sa nakaraang sworn statement niya sa Senado.

Ginawa ni Discaya ang paglilinaw matapos sabihin ni Discaya na mayroong humihingi ng kickback para kina Speaker Romualdez at Co kaugnay ng mga kontrata sa DPWH na nakuha ng kanilang kompanya.