Lacson

Lacson ibinunyag ‘katiwalian’ sa DPWH

328 Views

IBINUNYAG ni Senador Panfilo Lacson nitong Martes sa kanyang privilege speech sa Senado ang umano’y katiwalian sa loob ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kinabibilangan ng mga ghost flood control projects, pekeng dokumento, at halos isang bilyong pisong natalo sa casino ng isang grupo ng mga engineers sa gobyerno ng nasabing departamento.

Isang grupo ng limang dating kawani ng DPWH mula sa 1st District Engineering Office ng Bulacan, na tinaguriang “BGC Boys”ang kanyang isiniwalat.

Taliwas sa karaniwang pag-uugnay sa Bonifacio Global City, ang “BGC” dito ay nangangahulugang “Bulacan Group of Contractors”—isang palayaw umano na ibinigay sa kanila ng mga empleyado ng casino dahil madalas silang makita roon habang nagsusugal gamit ang mga pekeng pagkakakilanlan.

“Not Bonifacio Global City boys, Mr. President,” paliwanag ni Lacson. “But rather – the Bulacan Group of Contractors as they have been known to casino employees. Hindi tambay ng High Street sa BGC ang mga ito, Ginoong Pangulo.”

Ayon kay Lacson, regular na bumibisita ang mga nasabing opisyal sa iba’t ibang casino mula 2022 hanggang 2025, at nagkaroon ng gross gambling losses na umabot umano sa ₱950 milyon.

“Sinuwerte nga kayang sabay-sabay na nanalo ang mga ito, Mr. President?,” tanong ni Lacson, sabay banggit sa iregular na mga transaksyon.

Ipinabatid ni Lacson na naisumite na sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang mga pangalan at alyas ng mga indibidwal, at nanawagan siya para sa agarang pag-freeze ng kanilang assets at pagsasampa ng kaso sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act, na sumasaklaw na rin sa mga casino bilang “covered persons.”

Mas lalong nakakabahala, ayon kay Lacson, ang mga insidente kung saan ang mga kontrata na dapat ay tumagal ng 240 hanggang 270 araw ay idineklara nang 89% complete sa loob lamang ng 15 araw. Kaagad din umanong isinunod ang final billing at kabuuang bayad.

Hindi lamang larawan at ghost works ang problema, ayon kay Lacson. Sinabi niyang may mga inhenyerong nagsumite ng pekeng certification of accomplishment, karamihan ay walang tamang pirma o awtorisasyon, ngunit nakuha pa rin ang pondo. Ang mga dokumentong ito ay madalas pinipirmahan ng mga taong nakita ring nagsusugal sa casino o inendorso ng mga retiradong opisyal.

Ipinabatid ni Lacson na ang mga gawaing ito ay malinaw na kaso ng malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of official documents—isang krimeng may parusang reclusion perpetua.

Nanawagan siya sa AMLC na i-freeze ang mga asset ng mga sangkot, sa DPWH at DOJ na magsampa ng kaso para sa plunder, graft, at falsification, at sa Kongreso na ipasa ang mga panukalang batas na magbabawal sa mga tiwaling kontratista at magpapalakas sa transparency sa pagbadyet para sa imprastruktura.