Bitrics1 Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro

Discaya ayaw pangalanan mga opisyal na nanghingi ng kickback noong DU30 admin

368 Views

SINITA ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang contractor na si Pacifico “Curlee” Discaya II dahil sa “selective amnesia” nito, matapos umanong itago ang mga pangalan ng opisyal na nanghingi ng kickback noong Duterte administration at ang naaalala lang ay ang mga kongresista na pinangalanan nitong sangkot sa maanomalyang flood control projects.

Sa pagdinig ng House Infrastructure Committee, umamin si Discaya na may mga opisyal na humihingi ng kickback sa kanya kahit noong Duterte administration, pero tumanggi siyang pangalanan ang mga ito―hindi katulad ng ginawa nito sa pagdinig ng Senado kung saan pinangalanan nito ang mga kongresista na humihingi umano ng kickback.

Sa naunang pagdinig sa Senado, tumestigo si Discaya at ang kanyang asawa na si Sarah tungkol sa umano’y pagkakasangkot ng mga mambabatas sa maanomalyang flood control projects.

Nagsumite rin sila ng affidavit na naglalaman ng detalyadong daloy umano ng pondo at mga benepisyaryo―mga alegasyong itinanggi ng mga nabanggit.

Ipinaalala ni Luistro kay Discaya na ang testimonya sa ilalim ng panunumpa ay nangangailangan ng buong pagsisiwalat, at ang kanyang pagtangging pangalanan ang mga opisyal mula 2016 hanggang 2022 ay nagdudulot ng “strong doubt” sa kredibilidad ng kanyang affidavit na isinumite sa Senado, na mga personalidad lang mula 2023 hanggang 2024 ang binanggit.

“There is an admission already from the resource person that even during the past administration ay may nanghihingi. However, it appears na he refused to disclose the names unlike the way he did in his affidavit when he identified the alleged lawmakers and DPWH officials,” ani Luistro.

Itinuro rin ni Luistro na si Discaya at ang kanyang mga kumpanya―na kilala bilang Discaya Group of Construction Companies―ay nakakuha ng kontratang nagkakahalaga ng P12 bilyon noong panahon ni Duterte, at nanguna sa buong bansa sa pinakamalalaking proyektong na-award sa mga kontratista.

“With that amount of awarded contract to Mr. Discaya, that is P12 billion… I do not understand why a simple publication would make a difference between the previous and the current administration,” aniya.

“I wish to ask Mr. Chair, nagkaroon ba ng selective amnesia si Mr. Discaya? Tanda niya ‘yung mga nanghingi sa kanya during the past administration?” paggiit ni Luistro.

“Pero it seems he totally forgot already about the people who might have asked for the same requirement as well during the past administration when he ranked number one with regard to the biggest awarded contract among the contractors in the entire country,” dagdag pa niya.

Binigyang-diin ni Luistro na kuwestiyonable na ngayon ang pagiging totoo ng affidavit ni Discaya.

“I wish to remind our resource person, hindi pwedeng ang pagsasabi ng katotohanan ay selective lamang. When you take your oath to tell the truth and nothing but the truth, you have to disclose everything,” sabi ni Luistro.

“Hindi pwedeng ang i-disclose mo lang, ‘23 up to ‘24, and then 2016 to 2022 nakalimutan mo na. How can that be possible Mr. Discaya? The veracity of your affidavit is full of inconsistencies. It is full of false testimony,” pahayag ni Luistro.

“And with your refusal to disclose what happened during the past administration, it casts doubt, strong doubt on the truthfulness of the contents of your affidavit,” dagdag pa niya.

Ang Infra Comm―na binubuo ng House committees on public accounts, public works and highways, at good government and public accountability―ay nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa umano’y ghost at substandard flood control projects na mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nag-ulat.

Nagresulta na ang imbestigasyon sa pagbibitiw ng mga opisyal ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB), pagbawi sa lahat ng PCAB licenses ng mag-asawang Discaya, at pagkakatanggal ng mga DPWH officials na nasangkot sa maanomalyang proyekto sa lalawigan ng Bulacan.