Calendar
Romualdez: Bagong overtime pay guidelines angkop para sa sakripisyo ng mga guro
PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagpapalabas ng Department of Education (DepEd) ng bagong guidelines sa pagbabayad ng overtime sa mga pampublikong guro, na isa umanong hakbang upang matiyak na makatatanggap ng angkop na kabayaran ang mga ito kapalit ng kanilang sakripisyo at paglilingkod sa bayan.
Ayon kay Romualdez, matagal nang hiling ng mga guro na mabigyan ng kaukulang kompensasyon para sa sobra nilang oras ng pagtatrabaho. Mas naging makabuluhan umano ang hakbang na ito ng DepEd lalo’t ipinagdiriwang ang 2025 National Teachers’ Month.
“Hindi matatawaran ang papel na ginagampanan ng ating mga guro bilang pangalawang magulang ng ating mga anak at taga-hubog ng kanilang kamalayan. Kadalasan ay higit pa ang oras na ginugugol nila sa trabaho, magampanan lang ang tungkulin na ilabas ang talino at talento ng ating mga mag-aaral,” ani Romualdez.
Binigyang-diin ng kinatawan mula Leyte na ang bagong patakaran ay patunay ng pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang mga guro sa ilalim ng Bagong Pilipinas.
“The Marcos administration is showing that it listens to the needs of our teachers and acts decisively to address them. Ang bagong patakaran na ito ay patunay na pinapahalagahan ng gobyerno ang ating mga guro—ang mga huwarang lingkod-bayan na patuloy na naglilingkod nang buong puso,” dagdag ni Romualdez.
Ayon pa sa pinunoo ng Kamara, bagama’t ang pagtuturo ay isang bokasyon na hindi matutumbasan, malaking hakbang ang bagong polisiya ng DepEd sa pagbibigay-halaga sa sakripisyo ng mga guro.
“Ito ay hindi lamang karagdagang kita, kundi isang konkretong patunay ng pagkilala at pagbibigay katarungan para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa pagtupad sa kanilang tungkulin,” diin ng kongresista.
Sa ilalim ng DepEd Order No. 26, series of 2025, tatanggap ang mga guro ng 125% ng kanilang aktuwal na hourly rate para sa awtorisadong overtime tuwing weekdays, at 150% naman kapag Sabado, holiday, o non-working day.
Saklaw ng polisiya ang lahat ng full-time teachers ng DepEd na, kabilang ang nasa Alternative Learning System, anuman ang kanilang appointment status. Papayagan lang ang overtime kung talagang kinakailangan, tulad ng kapag may trabahong hindi natapos na apektado ang mga estudyante o operasyon ng paaralan.
Tiwala si Romualdez na sa pamumuno ni Secretary Sonny Angara, magpapatuloy ang DepEd sa mga repormang magpapagaan ng trabaho ng mga guro at magpapabuti sa kanilang kalagayan.
“Just as teachers in public schools are dedicated to honing the next generation of leaders and movers, we in the government must also be equally committed to measures that benefit our educators and allow them to focus on their mission of teaching,” pahayag ni Romualdez.
Tiniyak din ng Speaker na susuportahan ng Kongreso ang mga inisyatiba na nakaayon sa mga programa ni Pangulong Marcos para palakasin at gawing makabago ang sektor ng edukasyon sa bansa.
Sa 2026 budget, may ₱872.887 bilyon para sa DepEd upang matugunan ang learning gaps at sabay na palakasin ang teaching force sa pamamagitan ng patas na sahod, insentibo, at benepisyo.
“Every peso spent on education is a worthwhile investment in the next generation of Filipinos who will lead our country to even greater heights. Likewise, ensuring that our educators are properly and fairly compensated is a valuable investment in their growth, their careers, and most importantly, in the future of their students,” giit ni Romualdez.
“Under a Bagong Pilipinas, government officials, lawmakers, and teachers share one mission—we are all public servants who dedicate our work for love of country. By giving our teachers the recognition and support they deserve, we also secure a brighter future for our next generation of leaders,” dagdag pa ng mambabatas.

