Calendar
Matatag pa rin Senado sa kabila ng pagbabago — Sen. Risa
TINIYAK ni Senadora Risa Hontiveros na nananatiling matatag ang direksyon ng Senado sa kabila ng mga pagbabagong naganap sa pamunuan nito, at iginiit na tuluy-tuloy ang trabaho ng institusyon—mula sa mga pagdinig sa komite hanggang sa deliberasyon ng pambansang badyet at mga isinasagawang imbestigasyon.
“Hindi naman po ako nagulat,” saad ni Hontiveros sa isang panayam sa radyo. “Bahagi nga po ako ng dumaraming bilang ng mga senador na gustong suportahan ang liderato ni ngayon ay Senate President Tito Sotto para pamunuan ang aming chamber.”
Bagama’t inilarawan niyang “surreal” ang transisyon, binigyang-diin niyang “masayang-masaya po ako at nadagdagan ng pag-asa para sa aming patuloy na pagtatrabaho moving forward.”
Sa panig ng mga komite, ipinunto ng senadora na hindi maaantala ang mga nakaiskedyul na pagdinig. “Opo, magpapatuloy po ang lahat ng mga pagdinig na iyan. Committee system naman kami sa Senado, kaya’t kahit nagbago man ang liderato, ang mga nasimulan sa komite ay tuloy-tuloy po,” paliwanag ni Hontiveros.
Dagdag pa niya, ang deliberasyon sa badyet ay isasagawa sa “isang higit pang transparent, accountable, at bukas na paraan.”
Kinumpirma rin ni Hontiveros na si Senador Panfilo “Ping” Lacson ang napagkaisahang mamuno sa Senate Blue Ribbon Committee na siyang magsisiyasat sa mga iregularidad sa mga flood control project. “Basta po sa pag-uusap naming mga senador, ang lumabas pong consensus ay si Senator Ping—ang aming SP Pro Tempore—ang mamumuno sa Blue Ribbon Committee. Kaya suportado ko po siya sa tungkuling ito,” aniya.
Binigyang-diin ni Hontiveros na hindi dapat ituring na “volleyball” o palitan ng sisi ang imbestigasyon. Aniya, “Hindi po ito laro. Seryosong trabaho ito para mapanagot ang mga dapat managot—hindi lamang ang mga contractors, kundi pati na rin ang mga tiwaling opisyal at kawani ng DPWH, at kung sakali, kahit mga mambabatas na sangkot.”
Bukod dito, bukas din si Hontiveros sa iba pang sabayang imbestigasyon, kabilang ang maaaring isagawa sa ilalim ng tanggapan ng Pangulo. “Hindi masama kung mas maraming investigating bodies ang kikilos. Mas maganda kung complementary ang kanilang mga hakbang para tunay nating maipalutang mula sa baha ang buong katotohanan sa likod ng mga kuwentong ito,” pagtatapos niya.

