Isko3

Curfew sa mga menor-de-edad mahigpit na ipapatupad ng MOD

Edd Reyes Sep 21, 2025
374 Views

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso si Manila Police District (MPD) Director P/BGen, Arnold Abad na mahigpit na ipatupad ang curfew hours sa mga menor-de-edad sa buong kapitolyo ng bansa.

Muling inulit ng alkalde sa pulisya na may inilabas siyang kautusan sa ilalim ng Executive Order No. 7 series of 2025 kaugnay sa pagpapairal ng curfew hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw sa mga batang ang edad ay 17-pababa.

Inilabas ng alkalde ang direktiba matapos ang nangyaring marahas na panggugulo ng mga kabataang nakasuot ng itim at nakamaskara sa bahagi ng Ayala Bridge at Mendiola tulad ng mga suot ng nagsagawa ng magulong pagkilos ng mga rallyista sa bansang Nepal.

Nagsimula ang gulo pasado ala-1 ng hapon nang pagbabatuhin ng mga kabataang rallyista ang hanay ng mga pulis sa Ayala Bridge, sinira at itimumba ang mga bakal na railings, at sinunog pa ang gulong ng nakaharang na container truck.

Sinunog din ng mga rallyista ang motorsiklo ng pulis habang patuloy ang pambabato na dahilan upang ilang mga pulis at maging miyembro ng media ay nagtamo ng sugat dulot ng pambabato

Halos dalawang oras ding nagtimpi ang mga pulis at ipinairal ang maximum tolerance subalit napilitan na silang kumilos nang hindi pa tumigil sa karahasan ang mga kabataan.

Ilang mga nakaitim na kabataang rallyista na kabilang sa mga nanggulo at nambato ang pinagdadampot ng mga pulis na dahilan upang humupa ang kaguluhan.

Gayunman, karamihan sa mga nanggulong kabataan ay lumipat lamang ng Mendiola sa C.M. Recto at doon naman nanggulo at nambato sa hanay ng kapulisan.