Garbin Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr., Baguio City Mayor Benjamin Magalong

Garbin kay Magalong: Sagutin mo muna ang P110M Discaya project bago ka manghusga

324 Views

BINATIKOS ni Ako Bicol Party-list Rep. Alfredo Garbin Jr. si Baguio City Mayor Benjamin Magalong dahil sa aniya’y dobleng pamantayan nito―mahigpit sa iba pero tikom umano ang bibig kapag sariling pangalan na ang nadadawit sa kontrobersiya.

“Nirerespeto ko ang pananaw ni Mayor Magalong, ngunit dapat ding maging patas tayo,” ani Garbin. “Ang tinukoy kong ‘sakripisyo’ ay ang pagbibitiw ni dating Rep. Zaldy Co sa kanyang pwesto sa Kongreso―isang mandato mula sa taumbayan―hindi po ang anumang paratang na hanggang ngayon ay hindi pa napapatunayan sa korte.”

Kaya bago aniya maghusga si Magalong, harapin muna nito ang isyu ng P110 milyong Discaya project.

“Hindi puwedeng mahigpit sa iba pero tahimik kapag sariling pangalan ang nadadawit,” ayon kay Garbin.

“At kung ganyan ang pamantayan na gusto ni Mayor Magalong, dapat handa rin siyang sumagot sa P110 million Discaya project na siya mismo ay tahasang pinaparatangan ng marami na may pananagutan,” ani Garbin.

“Kaya bago siya manghusga at magsalita ng mabibigat na salita laban sa iba, mas mainam na harapin at linisin muna niya ang isyung iyan,” dagdag pa niya.

Binira pa ng kongresista ang pagtawag ni Magalong na “hypocrisy” at “magnanakaw” kay Co nang walang anumang kaukulang hatol sa korte.

“Kung sasabihin po agad na ‘magnanakaw’ na siya at tatawaging ‘hypocrisy’ nang walang hatol, mas nakakasakit po iyon sa ating demokrasya at sa mismong prinsipyo ng due process,” aniya.

“What Magalong advocates is a ‘justice that strikes before it hears’,” dagdag ni Garbin. “Flawed system iyan kung saan hinuhusgahan agad kahit wala pang pagkakataon ang lahat ng panig.”

Idiniin din ng mambabatas na ang pagbibitiw ni Co ay patunay na pagpapakita ng delicadeza.

“Hindi siya kumapit sa puwesto tulad ng nakasanayan na ng ibang politiko… Sa kanya, mas mahalaga ang integridad ng proseso kaysa kapangyarihan,” wika pa niya.