Nartatez

Nartatez: Pamumunong nasa gawa, disiplina, tapat na paglilingkod

Jon-jon Reyes Oct 10, 2025
325 Views

SA panahong madalas sinusukat ang pamumuno sa ingay at pagpapakita, namumukod-tangi si Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa katahimikan at paninindigan. Bilang kasalukuyang pinuno ng Philippine National Police (PNP), ipinapakita niya na hindi kailangang maging maingay para maging epektibong lider. Ang tunay na sukatan ng pamumuno ay nasa gawa, disiplina, at tapat na paglilingkod.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, si Nartatez ay “isang lider na ibinabalik ang dangal sa serbisyo publiko—tahimik pero matatag.”

Mula nang italaga sa puwesto, pinamunuan ni Nartatez ang PNP sa mahinahon pero matatag na paraan. Isa sa una niyang direktiba ang masusing internal audit ng mga yunit at muling pagsusuri sa mga posisyon sa hanay ng kapulisan upang matiyak na tama at patas ang operasyon sa lahat ng antas.

Sabi ni Goitia, “Ang ganitong klaseng pamumuno—kalma, disiplinado, at patas—ang nagbabalik ng tiwala, hindi lang sa organisasyon kundi sa publiko.”

Nagtapos si Nartatez sa Philippine Military Academy Tanglaw Diwa Class of 1992, at mula noon, tapat na niyang isinabuhay ang serbisyo na may integridad. Hinawakan niya ang ilang mahahalagang posisyon sa PNP gaya ng Director for Intelligence, Director for Comptrollership, at Regional Director ng NCRPO at PRO 4A, bago italaga bilang Deputy Chief for Administration.

Ang lawak ng kanyang karanasan ang nagpatibay sa kanyang istilo ng pamumuno: maingat pero matatag, kalmado pero malinaw sa direksyon. Para sa kanya, ang integridad ay hindi sinasabi lang — ito ay ginagawa araw-araw.

Ayon kay Goitia, “Ang integridad ay hindi ipinapangako, kundi ipinapakita. Iyan mismo ang nakikita natin sa liderato ni Nartatez.”

Bilang kasalukuyang hepe ng PNP, tinatamasa ni Nartatez ang buong tiwala nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng National Police Commission (NAPOLCOM).

Sabi ni Goitia, “Ang tahimik na pamumuno ni Nartatez ay hindi kahinaan kundi lakas na ginagabayan ng konsensya. Sa mga panahong kulang ang tiwala, ganitong klaseng liderato ang nagbibigay ng pag-asa.”