Impeachment complaint vs PBBM dadamputin sa kangkungan -Puno

Mar Rodriguez Oct 11, 2025
318 Views

SA kangkungan dadamputin ang inihaing impeachment complaint laban kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.”

Ganito ang nais ipahiwatig ni House Deputy Speaker at Antipolo City 1st District Representative Ronaldo “Ronie” Puno kaugnay sa inihaing impeachment complaint ni Cavite 4th District Representative Francisco “Kiko” Barzaga laban sa Pangulo.

Sinabi ng House Deputy Speaker na wala umanong pumipigil kay Barzaga kung nais nitong ituloy ang paghahain ng impeachment complaint sapagkat ito ay kaniyang karapatan. Subalit pagbibigay diin nito na wala aniyang mararating ang naturang reklamo dahil maraming trabaho sa Kamara de Representantes ang mas kailangang tutukan at asukasuhin.

Ganito rin ang naging pahayag ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na malabong umusad sa Mababang Kapulungan ang reklamong isinulong ni Barzaga laban sa Pangulo sapagkat napakaraming problema ang bansa na dapat mas unahin at hindi prioridad ng Kongreso ang pag-asikaso sa impeachment complaint.

Ipinaliwanag pa ni Puno na isang malinaw na “suntok sa buwan” ang inihaing impeachment complaint ni Barzaga sapagkat batid naman nito na majority ng mga miyembro ng Kamara de Representantes ay supporter at kaalyado ni Pangulong Marcos, Jr. kaya malabong mayroong mambabatas ang sumuporta dito.

“Kung gusto niyang gawin iyan. Eh” Di gawin niya, wala namang pumipigil sa kaniya. But I don’t think he would get very much support to be honest,” ayon kay Puno.

Binigyang diin ng kongresista na wala rin siyang makitang mabigat na pamantayan para umusad at magtagumpay ang impeachment complaint dahil nakikita naman niya maayos na inaasikaso ni Pangulong Marcos, Jr. ang mga problema ng bansa lalo na sa usapin ng laganap na korapsiyon.

“Ako lang. Wala akong makitang dahilan kung pupuwedeng umusad ang impeachment complaint laban sa ating Pangulo. I think, honestly. He is doing a good job, he is bringing up the correct issues and he is determined to find solutions to the issues that he raised. So anong impeachable offences duon? Anong mga dahilan para siya ay ma-impeach?” sabi pa ni Puno.