Valeriano

Mga pasaway na content creator dapat habulin at papanagutin -Valeriano

Mar Rodriguez Oct 15, 2025
233 Views

PARA kay Manila 2nd District Representative Rolando “CRV” M. Valeriano dapat lamang na habulin at papanagutin ng pamahalaan ang mga pasaway na “content creator” na ang tanging layunin lamang ay mambulabog at maghasik ng kalituhan sa pamamagitan ng sadyang pagpapakalat ng mga fake news sa social media.

Ang pahayag ni Valeriano, Chairman ng House Committee on Public Order and Saferty, ay kaugnay sa pagkakatukoy ng Department of Information and Technology (DICT) sa dalawang content creator na nasa likod ng pagpapakalat ng fake news laban kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Dahil dito, pagbibigay diin ni Valeriano na panahon na upang resolbahin ng pamahalaan ang napakatagal ng problema ng fake news matapos nitong ikatuwiran na ang pagpapakalat ng mga maling balita sa social media ang nagsisilbing hadlang sa pag-unlad ng ating bansa bunsod ng mga nakakagulo at nakakalitong impormasyon.

Ipinaliwanag ni Valeriano na dahil sa mga naglipanang fake news. Hindi na aniya tuloy malaman ng publiko kung alin ba talaga ang katotohanan at kung ano naman ang palsipikadong balita o impormasyon na sinususugan pa ng mga Artificial Intelligence (AI) na laganap narin sa social media kaya lalo lamang nalilito at naguguluhan ang mamamayang Pilipino.

Bukod dito, sabi pa ng kongresista na ang pangunahing biktima ng fake news ay silang mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno kung saan ay walang humpay ang mga paninirang puri laban sa kanila ng ilang salbaheng content creators na sinasadyang magpakalat ng mga paninira laban sa kanilang pagkatao.

Kaya naninindigan si Valeriano na dapat lamang na mahinto na ang laganap na fake news sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso laban sa mga content creators na nasa likod nito.

Samantala, naghatid naman ng serbisyo para sa Distrito 2 si Chris Valeriano sa pamamagitan ng pamamahagi nito ng wheelchair para sa mga kapos-palad na residente.