Calendar
Pangangailangan ng dagdag pondo para sa iskolars idiniin
PINAGPALIWANAG ng mga senador ang Commission on Higher Education (CHED) sa paggamit ng pondo nito sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa panukalang ₱33.1-bilyong budget para sa 2026, kung saan muling binigyang-diin ang pangangailangan ng dagdag na pondo para sa mga iskolar at mas malinaw na direksiyon ng mga programa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance na pinamunuan ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian, ipinresenta ni CHED Chairperson Shirley C. Agrupis ang pondo ng ahensya, kung saan 97 porsiyento ay nakalaan para sa mga estudyante at 3 porsiyento lamang para sa operasyon. Ipinaliwanag niya ang “ACHIEVED Framework” ng CHED na nakatuon sa accessibility, research alignment, at digital governance. “Education cannot remain an aspiration—it must be a guarantee,” pahayag ni Agrupis.
Ngunit sa pagtatanong ni Senador Paolo Benigno “Bam” Aquino IV, lumitaw na walang dagdag pondo sa Tertiary Education Subsidy (TES) sa 2026 National Expenditure Program. “Kung patuloy na dumarami ang mga mag-aaral pero hindi nadaragdagan ang TES, maraming mawawalan ng tulong,” giit ni Aquino. Ayon kay Agrupis, hindi naisama ng DBM sa NEP ang ₱8.6-bilyong karagdagang pondo na kanilang hiningi upang masuportahan ang kasalukuyang 135,000 grantees at 490,000 bagong scholars. “Umaapela kami sa Kongreso na maibalik ang TES augmentation,” ani Agrupis. Binigyang-diin ni Aquino ang pangangailangan ng “fix baseline figures” upang maging malinaw ang datos na isusumite sa plenaryo.
Samantala, pinuri ni Senadora Pia Cayetano ang pagsasanib ng CHED, DA, at DOST sa mga pananaliksik, kabilang ang “₱20 kada kilo rice challenge” na layong bawasan ang gastos sa produksyon ng palay. “Magandang proyekto ito, pero dapat may malinaw na istruktura at target,” ani Cayetano. “Isumite ninyo ang detalyadong konsepto sa komite.” Hinimok din ng senadora ang CHED na tiyaking may konkretong resulta ang mga ginagastos sa research. “Kung gusto nating maging knowledge-based economy, kailangang maging driver ng innovation ang ating mga unibersidad,” dagdag niya.
Sa bahagi ni Senador Joel Villanueva, iginiit niya na dapat masukat kung nagbubunga ng trabaho ang libreng edukasyon. “Malaki ang ginagastos natin sa free tuition, pero nakakapaghanap ba ng trabaho ang ating mga graduates?,” tanong ni Villanueva. Tiniyak ni Agrupis na binubuo na ng CHED ang nationwide graduate tracer system upang masukat ang employability ng mga nagtapos.
Itinulak naman ni Senadora Risa Hontiveros ang mas mahigpit na pagpapatupad ng gender at mental health policies sa mga unibersidad. “Marami pa ring paaralan ang walang gender desks at malinaw na GAD programs,” pahayag ni Hontiveros. Sinabi ni Agrupis na may ₱52-milyong pondo para sa GAD programs at 87 porsiyento ng SUCs ang may GAD offices, habang 91 porsiyento naman ay may mental health programs. Inanunsyo rin niya ang paglulunsad ng “Safe Campus, Safe Future” campaign sa 2026 katuwang ang PCO, CHR, at DOJ. “Gusto naming maramdaman ng mga estudyante na ligtas at suportado sila,” ani Agrupis. Pinuri ni Hontiveros ang programa at sinabing susuportahan niya ito sa plenaryo.
Sa pagtatapos ng pagdinig, pinasalamatan ni Gatchalian ang CHED sa maayos na presentasyon ngunit inatasan ang ahensya na magsumite ng karagdagang ulat, kabilang ang breakdown ng TES beneficiaries, R&D concept notes, at GAD compliance reports. “Kailangang masiguro nating bawat pisong ginagastos ay may direktang benepisyo sa mga estudyante,” ani Gatchalian. Magpapatuloy ang pagtalakay sa panukalang ₱13.4-bilyong “wish list” ng CHED sa susunod na pagdinig.

