Calendar
Ang mga pamilya ng mga biktina kasama si PAMI Operations Manager Bong Nocum.
Source: PAMI
DOTr, LTO pinasalamatan ng pamilya ng 2 motorcycle rider na nasawi sa agarang bayad-insurance
NAGPAHAYAG ng taos-pusong pasasalamat ang mga pamilya ng dalawang motorcycle rider na nasawi sa aksidente sa Pasig City kina Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Z. Lopez at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II matapos matanggap ang agarang bayad-insurance kaugnay ng insidenteng naganap noong Oktubre 14.
Sa isinagawang pagpupulong kaugnay ng bayad mula sa Passenger Accident Management & Insurance Agency (PAMI), ikinagulat ng mga kapatid ng mga biktima ang bilis ng proseso, lalo’t dati silang nasabihan na maaaring abutin ng ilang buwan o wala talagang inaasahang bayad batay sa karanasan ng ibang rider.
Ang aksidente ay naganap noong Oktubre 14 at ang bayad-insurance ay naipamahagi noong Oktubre 16 sa pamamagitan ni PAMI President and CEO Bunny Atayde, na kinatawan ng Operations Manager ng kumpanya na si Bong Nocum.
Ayon kay Chairman Mendoza, agad na inatasan ni Secretary Lopez ang LTFRB na iproseso ang insurance ng dalawang biktima, kapwa mga security guard na pauwi mula sa trabaho.
“Agad naming tinulungan ang pamilya ng mga biktima at nagpapasalamat kami sa insurance company sa kanilang pakikiisa upang maipamahagi ang bayad sa lalong madaling panahon,” ani Chairman Mendoza.
“Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos, Jr. na magbigay ng agarang tulong sa ating mga kababayang nangangailangan,” dagdag pa niya.
Sa kaso ng dalawang biktima, ang babaeng backrider ay idineklarang dead on the spot habang ang lalaking rider ay binawian ng buhay sa ospital. Kapwa nangangailangan ng agarang tulong pinansyal ang kanilang mga pamilya.
Naganap ang insidente sa kahabaan ng Marcos Highway sa Barangay Santolan, Pasig City. Isang pampasaherong jeepney ang nagsasagawa ng U-turn nang bumangga rito ang motorsiklo. Dahil sa lakas ng impact, tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo at gumulong sa kalsada, na nagdulot ng matinding pinsala sa kanila.
Tumanggap ng P100,000 bawat isa ang dalawang biktima mula sa PAMI, habang nagbigay rin si Chairman Mendoza ng karagdagang P25,000 tulong pinansyal sa bawat pamilya.
“Malapit ang loob ni Secretary Lopez sa mga kababayan nating masisipag at nagsasakripisyo para sa kanilang pamilya. Kaya nang mabalitaan niya ito, agad niyang ipinag-utos na asikasuhin ito upang maibigay ang tulong sa lalong madaling panahon,” ani Chairman Mendoza.
Nagpasalamat naman ang mga kapatid ng mga biktima kina Secretary Lopez at Chairman Mendoza.
“Maraming salamat po kay Secretary Banoy at kay Chairman Vigor sa tulong at sa mabilis na proseso ng insurance. Malaking tulong po ito para sa amin,” ani Rodalyn de Jose, kapatid ng lalaking rider.
“Mula po sa aming pamilya, taos-puso po kaming nagpapasalamat kay DOTr Secretary Lopez at kay LTFRB Chairman Mendoza. Sana po ay magtuloy-tuloy ang ganitong klaseng tulong para sa mga ordinaryong mamamayan na katulad namin,” ani ng kapatid ng babaeng security guard.
Matagal nang isinusulong ni Chairman Mendoza ang mabilis at sapat na bayad-insurance para sa mga biktima ng aksidente sa kalsada, batay sa kanyang sariling karanasan kung gaano kahirap para sa mga ordinaryong mamamayan ang maglabas ng pera para sa gastusing medikal at libing.
“Tapusin na natin ang sistemang baon sa utang ang pamilya dahil sa gastusing ospital, pero wala pa ring bayad-insurance. Yung sistema na nagka-death anniversary na, pero wala pa ring bayad,” ani Chairman Mendoza.
“Titiyakin natin na sapat at mabilis ang lahat ng bayad-insurance dahil ito ang bilin ng ating Pangulo,” dagdag pa niya.
